Marami na ang naiinip kung kailan mapupulbos ang Abu Sayyaf. Sa kabila na napatay na ang mga kilalang lider ng grupo na kinabibilangan nina Abu Sabaya, Kumander Robot at Kumander Global, nananatili pa ring buhay ang grupo. Noong nakaraang February 14, 2005 (Valentines Day) ang huling pagsalakay ng mga Abu Sayyaf. Tinaniman nila ng bomba ang isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa EDSA. Apat ang namatay at marami ang nasugatan dahil sa pambobomba. Noong April 2004, tinaniman din nila ng bomba ang SuperFerry 14 at mahigit 100 katao ang namatay at marami rin ang nasugatan. Hanggang sa kasalukuyan marami pa ring biktima ang hindi nakilala ng kanilang mga kamag-anak dahil sa pagkasunog. Marami pa rin ang hindi nakikita. Sila rin ang itinuturong nambomba sa Davao International Airport sa Sasa Wharf noong 2003 kung saan maraming sibilyan ang namatay. Sila ang kumidnap sa 22 turista sa Sipadan, Malaysia at saka ipinatubos nila ng milyong dolyar.
Malaking hamon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Efren Abu ang pagdurog sa mga terorista. Maraming beses nang nagpalit ng AFP chief subalit hindi nakayang lipulin ang Abu Sayyaf na ngayoy pinamumunuan ni Khadaffy Janjalani. Wala pang 1,000 ang miyembro ng Abu Sayyaf. Isinuka na rin sila ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hindi na raw maaaring makatapak sa kanilang nasasakupang lugar sa Mindano ang mga Abu Sayyaf.
Nararapat nang tapusin ang kasamaan. Maaaring naghihintay lamang ng pagkakataon ang grupo at sasalakay na naman. Hindi na sila dapat bigyan ng pagkakataon.
Pulbusin na ang teroristang grupo para magkaroon ng katahimikan sa maraming bahagi ng Mindanao.