Magpapaliwanag daw sila hinggil sa exposé na aming nailabas. Para sa amin sa BITAG, hindi na kailangan ang kahit anong paliwanag. Kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan ng Angono at ilang kalapit nitong bayan ang pinag-uusapan.
Gawa at hindi paliwanag ang hinihintay naming aksyon mula sa mga personalidad na nasa likod ng pambababoy na ito sa ating kalikasan.
Mas makakatulong pa itong little big man ng Angono na si Roan kung lilinisin niya ang basurang ibinaon niya sa kabundukan ng Angono.
Walang magagawa ang pagsasawalang-bahala at pagpapaliwanag niya sa BITAG. Dahil kaunting panahon na lamang ang nalalabi para sa kanya bago siya tuluyang mahulog sa aming patibong.
Tandaan, hindi basta-basta basura kundi asbestos at iba pang nakalalasong basura mula sa malalaking kompanya sa Subic ang ibinabaon ni Roan sa lupain ng Angono na patuloy namang kinukunsinte ng kanilang butihing mayor.
Nasisiguro namin, kaunting panahon na lamang ang hinihintay upang lubusang matikman ng mga mamamayan ng Angono, Binangonan at iba pang kalapit na probinsiya ang perwisyong idudulot ng nakalalasong hanapbuhay ng little big man ng Angono na si Roan.
Hotline numbers para sa mga tips o anumang uring katiwalian, i-text (0918)9346417 o tumawag sa mga numerong ito 932-8919/932-5310. BAHALA SI TULFO SA UNTV 37 AT DZME 1530 mula Lunes hanggang Biyernes, 9 :00 a.m. to 10:00 a.m.