Kinuwento sa akin ng isang DLR lawyer at isa pang dating opisyal ang raket. Ginagamit dito ang lehitimong listahan ng tenants na dapat biyayaan ng land reform sa ilalim ng CARP Law at P.D. 27. Ang MARO (municipal agrarian reform officer) ang dapat na nakakakilala sa kanila, para bigyan ng PARO (provincial) ng CLOA (certificate of land ownership award) na pirmado ng DLR Secretary. Pero nagsasabwatan ang MARO at PARO sa paggawa ng ibang listahan ng fictitious beneficiaries. Kaisa ang tiwaling DLR legal officers, ina-award ng mga lupain sa mga imbentong pangalan. Tapos, saka nila nililipat ang CLOA sa ngalan ng mayayamang bidders. Siyempre, sinusuhulan sila para rito.
May variation ang raket. Pinasasauli ng lokong MARO at PARO ang mga naipamahaging CLOA, o kayay sinisilaw ang mga magsasaka, na ibenta ang mga tinanggap na lupa sa buyer ng sindikato. Labag ang pagbebenta sa CARP Law, pero inaaprubahan ng mga nasa itaas.
Hindi kaya biktimahin sa raket ang malaking may-ari ng lupa. Kasi, nakakaintindi ito ng batas, at may abogado de kampanilya pa. Ang tinitira ng sindikato sa DLR ay mga maliliit na may-ari tig-isa hangga pitong ektarya. Kung tabi-tabi ang lupain ng mga maliliit, lalong mabuti sa mga kawatan. Kasi, mas madali nilang maisasalya sa mayayamang negosyante, real estate developers at pulitiko ang pinagsama-samang lupain.
Niloloko na ng sindikato ang tenants at maliliit na landowners. Balang araw, mauubos ang mga lupaing pansaka. Gigising na lang tayong tinatayuan na ang mga ito ng housing o golf course o resort.