Exams panloloko sa nursing grads

NAGTAKA ang mga kumuha ng nursing licensure exams kamakailan. May mga tanong na wala namang kinalaman sa pagna-nurse. Halimbawa: "Why do some people grow old gracefully, while others do so painfully? a. frustrations b. unfulfilled dreams..." Ito pa: "How do you convince people to vote for the right public official?" Isa uli: "In how many years will you advise a widower to remarry, knowing that men get bored easily? a. 1 year b. 2 years..." At, hay, naku: "How do you treat a handicapped child? a. with love b. with care c. with respect." At pinaka-hay, naku: "So many nursing schools have opened; what is the real problem? a. lack of qualified faculty b. no base hospital..." At pambato sa lahat: "How did you deal with your hurt and frustration?"

Paano sasagutin ang mga tanong na ito, gayong napaka-subjective, imbis na objective para masukat ang kasanayan ng nursing graduate? Para na rin tinanong, "Bakit ‘yan ang pinangalan sa ‘yo ng magulang mo? Dahil: a. masaya sila b. lasing sila nang isilang ako. c. wala lang."

Bulung-bulongan na sinadya ito ng Board of Nursing para inisin ang mga doktor na kumukuha ng nursing exam. Ginawa na raw ito nu’ng nakaraang taon, at nagtitili ang mga taga-Nursing Board na maraming lumagpak na doktor – kaya mas tinindihan nila ang subjective questions nitong Mayo. Umiiling na umangal sa akin ang isang nursing grad at isang doktor na ka-e-exam lang. Kabulastugan lang daw ang mga test questions.

Kung totoo ang sisti, ano naman ang masama sa pagkuha ng doktor ng exam? Kung nag-enrol siya sa nursing subjects, e di qualified din mag-exam. Bakit babaguhin ang exams para lang mapalayas siya?

Kung hindi naman pakay ng examiners na mang-asar lang ng mga doktor, naroon pa rin ang problema: walang kapararakan ang mga tanong. Apat na taon binuno ng graduates ang subjects sa medical, surgical o psychiatric nursing. Tapos, tatanungin lang tungkol sa pagni-ninang: "If the wife is having an affair, you as godparent will do what? a. tell the husband b. do not tell the husband c. wait for the wife to do so." Grrr!

Show comments