Kasama ni ex-mayor Wilmen Borbon ng Danglas, Abra, si municipal treasurer Patricia Hernandez sa ipinakakalaboso. Napatunayang hindi nila ni-remit ang P889,000 contributions at loan payments halagang kinaltas naman mula sa mga miyembro ng GSIS sa municipal hall. Inutos din ng korte na isoli nila sa munisipyo ang halaga, para maibayad na sa GSIS.
"Panahon na para seryosohin ng mga pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno ang GSIS Law," anang tuwang-tuwang GSIS president Winston Garcia. Mabigat ang parusang pataw ng GSIS Act of 1997 (R.A. 8291) sa hindi pag-remit ng eksaktong halaga na kinaltas.
Malaon nang inaabuso ng mga pinunong-gobyerno ang mga kawani nila. Tandaan nila na ang perang kinakaltas nila ay hindi sa kanila o sa gobyerno kundi ng mga miyembro. Pera ito na kontribusyon para sa retirement, death at burial benefits, o kayay hulog sa housing o salary loan. Kapag hindi ito ni-remit, ang miyembro ang napuputukan. Hindi tuloy sila makakubra ng benepisyo o makautang muli. Nagugulat na lang kapag mabatid na dinugas pala ng mga pinagkakatiwalaang pinuno ang pera nila. Ginasta sa kung anong karangyaan o sa proyektong may sarili namang pondo.
Sa desisyon ng Sandigan, magkalakas-loob din sana ang mga GSIS members na isuplong ang mga kumukulimbat ng kontribusyon at hulog nila. Bantayan nila ang mga pinuno at tresurero. Repasuhin nilang mabuti ang Statement of Members Accounts na pinadadala ng GSIS sa 1.4 milyon miyembro tuwing anim na buwan. O kayay silipin ang records nila sa GSIS website: www.gsis.gov.ph. Naka-detalye roon ang mga hulog at kakulangan nila. Kung tutuusin nga, mga pinuno at tresurero dapat ang nagtuturo at tumutulong sa mga kawani na mag-update ng GSIS accounts.