Pero kahit na mariin ang paalala ni Tarongoy na huwag magtungo sa Iraq, tiyak na marami pa ring Pinoy ang pilit na magtutungo roon. May mga ahensiyang pilit na magre-recruit ng mga trabahador at ilulusot patungong Iraq. Marami nang ganyang pangyayari. Maski nga si Tarongoy ay illegal din ang pagtungo sa Iraq. Nasa kasagsagan ang giyera nang magtungo siya roon. Hindi naman malaman kung anong ahensiya ang nagpaalis sa kanya. Nang mabihag siya ay saka lumutang na undocumented Pinoy workers si Tarongoy sapagkat ban nang mga panahong iyon ang pangangalap ng mga workers doon.
Masuwerte si Tarongoy sapagkat biglang-bigla ay pumutok ang balitang pinalaya na siya. Marami ang namangha sapagkat matagal nang walang balita kay Tarongoy. Marami ang nag-akala na pinatay na siya ng mga rebelde. Naganap ang pagpapalaya kay Tarongoy sa panahong nasa balag ng alanganin ang katayuan ni President Arroyo dahil sa "Glori-Garci" tapes. Marami ang humihiling na magbitiw siya sa puwesto.
Pampabango rin sa pangalan ng Presidente ang pagkakapalaya kay Tarongoy. Pinuri ni Tarongoy si Mrs. Arroyo sa pagkakaligtas sa kanyang buhay. Salamat daw at hindi siya nito inabandona. Si Tarongoy ang ikalawang Pinoy na binihag ng mga Iraqi. Una si Angelo de la Cruz.
Sa pagkakapalaya kay Tarongoy, dapat pang maghigpit ang gobyerno para wala nang makapuslit na Pinoy sa Iraq. Doblehin ng Department of Labor and Employment ang kanilang pagbabantay. Hindi na dapat maulit ang nangyari kay Tarongoy. Makalikha na sana nang maraming trabaho ang gobyerno para wala nang Pinoy na mangangahas magtungo sa Iraq.