San Juan Bautista; Jaime Cardinal L. Sin

NGAYONG araw na ito ay kapistahan ni San Juan Bautista. Siya ang pinsang buo ni Jesus. Siya rin ang nagpahayag ng pagdating ni Jesus. Inihanda niya ang mga tao sa pagdating ng Manunubos. Pinagbalik-loob niya ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanila na sagisag ng kanilang paglilinis sa kanilang mga kasalanan

Sa ating paggunita kay San Juan Bautista, nais ko ring gunitain ang pagkatao ng ating Kabunyian, Jaime Cardinal Lachica Sin, naging Arsobispo ng Maynila at isa sa mga Cardinal ng bansa.

Si Jaime Cardinal Sin kung tutuusin ang naging tagapanguna ng bansa noong panahong tayo ay nasa kadiliman ng batas militar ng rehimeng Marcos. Siya ang nanawagan sa mga tao na tulungan ang mga militar na noo’y pinangungunahan ng Heneral na si Fidel V. Ramos na naging Pangulo ng Pilipinas.

Sa panawagan ni Cardinal Sin sa radyo, ang mga tao ay nagtipun-tipon sa EDSA upang bigyan ng suporta ang grupo ng militar na tumiwalag sa rehimeng Marcos. At doon, noong makasaysayang mga araw ng Pebrero 1986, naganap ang people power na hinangaan ng buong mundo.

Sa mga panahon ng EDSA I at ganoon din ng EDSA II, kami at ang aming grupong AKKAPKA-CANV ay palaging nakikipag-ugnayan kay Cardinal Sin. Tunay ngang isa siya sa mga biyaya ng Diyos sa Pilipinas.

Ang butihing Cardinal ay taong madaling lapitan. Palagi siyang may mabuting salita para sa lahat ng tao. Naaalala ko rin na sa tuwing kami’y pupunta sa kanya, lalo’t kami’y may kasamang mga mahihirap na tao, siya mismo ang personal na naghahanda at nagsisilbi ng miryenda para sa aming mga kaanib na nasa base group. At tuwang-tuwa ang aming mga kasama sapagkat damang-dama nila ang paglilingkod ni Jesus sa katauhan ng Cardinal. Mahilig si Cardinal na makipagkuwentuhan at magbiro; madali rin niyang patawanin at ipapalagay ang loob ng mga taong una pa lamang niyang makatagpo. Higit sa lahat, parating may paalala ang butihing Cardinal hinggil sa patuloy na pananalangin at paghingi ng tulong sa Diyos, lalo na sa panahon ng mga kagipitan. Nagpapaalala rin siya hinggil sa mga kagandahang-loob at pagpapala ng Diyos sa atin at sa ating bansa na tuwina’y dapat ipagpasalamat sa Maykapal.

Jaime Cardinal L. Sin, hindi ka namin malilimutan! Nawa’y sa iyong pag-uwi sa tahanan ng ating Ama at Manlilikha, dalangin namin na patuloy mong alalahanin kami na iyong mga dating kawan na naglalakbay pa dito sa lupa. Idinadalangin namin ang iyong walang hang-gang kaligayahan sa piling ng ating Panginoon at Mahal na Ina na iyong minahal, at idalangin mo rin na maipagpatuloy namin ang misyong iniatang ni Jesus sa amin na iyong sinubaybayan at ginabayan.

Show comments