EDITORYAL – Kampeon ng people power

KUNG hindi nanawagan si dating Manila Archbishop Jaime Cardinal L. Sin sa taumbayan na magtungo sa EDSA noong February 21, 1986, maaaring hindi naisilang ang people power. Hindi nagkaroon ng tagumpay na mapalayas ang diktador at maaaring hanggang ngayon, nakakadena pa ang mga Pilipino. Nananatiling nakabusal ang media at hindi maibulalas ang nangyayaring katiwalian, kabulukan at pagmamalabis ng namumuno. Patuloy na naghihirap ang taumbayan habang ang namumuno ay nakahiga sa kayamanan. Nagtagumpay ang people power sa EDSA dahil sa pagsisikap ni Cardinal Sin. At ang nagawa niya sa bansa ay hind malilimutan. Kahit kailan, kahit saan, sa sandaling ginugunita ang EDSA revolt, maaalala ang kanyang pangalan.

Namatay ang cardinal kamakalawa makaraan ang matagal na pagkakasakit. Siya ay 76. Ayon sa kanyang private secretary, dakong 6:15 ng umaga noong Martes ng ganap na isuko ng cardinal ang huling hininga, Isinugod si Sin sa Cardinal Santos Medical Center nang mapuna ng kanyang nurse ang mataas na lagnat. Madalas nang maospital ang cardinal mula pa noong nakaraang taon at napabalita pang pumanaw na. Sakit sa kidney at diabetes ang nagpagupo sa katawan ng cardinal. Dalawampu’t pitong naglingkod bilang archbishop ng Maynila si Sin. Inordinahan siyang pari noong 1954 sa gulang na 47. Ipinanganak siya sa New Washington, Aklan noong Aug. 31, 1928. Ika-14 siya sa 16 na magkakapatid.

Hindi lamang sa EDSA I revolution nagkaroon ng bahagi si Cardinal Sin. Malaki rin ang naitulong niya para mapatalsik si dating President Estrada noong January 2001 na naakusahan ng pandarambong at pagsira sa pagtitiwala ng mamamayan. Pinangunahan niya ang pagmamartsa nang may libong katao patungong EDSA noong Jan. 16, 2001. Ilang araw ang makalipas, bumaba sa puwesto si Estrada.

Makapangyarihan ang boses ni Sin na nagmistulang pastol noong 1986 at 2001. Dalawang Presidente ang napatalsik sa bisa ng sama-samang lakas ng pagkakaisa. Dalawang Presidente rin ang nailuklok — si Cory Aquino at Gloria Arroyo. Kung magkakaroon ng panibagong EDSA sa hinaharap, mahirap masabi kung sino ang gaganap sa papel ni Sin bilang pastol. Pero ang tiyak, malaki ang magiging impluwensiya ng namayapang cardinal para hangaring hanapin ang katotohanan. Sisibol ang bagong Sin sapagkat nakatatak na sa isipan ang kanyang alaala na hindi kailanman mapapawi. Siya ang kampeon ng people power. Paalam Cardinal Sin.

Show comments