‘Sipa’

PUSPUSAN ang ginagawang kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga establisyimentong hindi nagbabayad ng tama at kaukulang buwis. Mas marami silang buwis na makokolekta, mas maganda para sa ating ekonomiya.

Ngunit kaiba ang pandarayang nadiskubre ng BITAG sa tanggapan ng Central Mailing Express Center (CMEC).

Estilo ng ilang mga ‘batikang’ empleyado ng CMEC ang magpalusot ng ilang importanteng sulat o mga parcels na dapat ay nagbabayad ng kaukulang buwis.

Malaking pera ang nawawala sa pagpapalusot ng mga tiwaling empleyado ng CMEC.

Sindikato ang ganitong estilo dahil nakatimbre na ang mga bagaheng ito. Kaya’t pagdating sa CMEC, alam na ng mga miyembro ng sindikato ang kanilang ihihiwalay at lalagyan ng pananda o code.

Sipa’ o ‘tadyak’ ang tawag sa ganitong modus dahil habang inaayos ang mga bagong dating na parcel, palihim nilang itinatabi ang mga may timbre sa pamamagitan ng pagsipa dito.

Mala-diversion na nangyayari sa National Food Authority (NFA) ang modus na ito.

Isinasabay sa delivery ng legal na mga parcel ang mga pinalulusot na kontrabandong ito. Dito makikita kung gaano kalinaw ang sabwatan at ang lawak ng sindikato.

Ayon sa impormasyong aming natanggap, kadalasan, mga importanteng bagay tulad ng high end cell phone, mga imported na relo o piyesa ng baril ang pinalulusot sa CMEC.

Walang alam sa mga nangyayaring ito si Dir. Oscar Lazo ng CMEC, maging ang Postmaster General na si Dario Rama.

Ngunit may bagong sistema na raw silang ipinatutupad para maiwasan ang ganitong uring pagnanakaw.

Tulad ng ibang malalaking kumpanya, dadagdagan daw nila ng mas sopistikadong surveillance-monitoring camera ang kanilang tanggapan…

Pero alam ng BITAG na hindi uubra ang ganitong sistema. Kinakailangang matuldukan ang baluktot na gawain ng ilang sindikatong empleyado ng CMEC bago sila makaisip ng panibagong estilo upang makalusot.
* * *
Hotline numbers para sa mga tips o anumang uring katiwalian, i-text (0918) 9346417, (0927) 8280973, o tumawag sa mga numerong ito 932-8919 / 932-5310. Bahala si Tulfo sa UNTV 37 at DZME 1530 mula Lunes hanggang Biyernes, 9-10:30 a.m.

Show comments