Ano po ba itong nangyayari sa ating mga Pilipino? Tayo po ay nasasakal na halos sa sobrang kahirapan, walang puknat na krimen, walang habas na karahasan, at walang-katapusang katiwalian. Milyun-milyong Pilipino ang walang hanapbuhay. Libu-libo ang nagugutom at ang iba ay nabubuhay na lamang sa kung anong mapulot na tira-tirang pagkain sa basurahan upang malamnan ang kumukulong sikmura. Hindi halos mabilang ang mga kababaihan nating napapariwara sa ibayong dagat at inaabuso, hinahalay, at nilalapastangan araw-araw, makamit lamang ang pinapangarap na magandang bukas para sa mga mahal sa buhay.
Wala na po ni isa sa atin, ang ligtas sa ibat ibang uri ng karahasan. Kamakailan lamang may isang punong-lungsod ang pinaslang sa sarili niya mismong punong-tanggapan. Isang naninindigang kongresista naman ang binaril sa ulo habang tahimik na kumakain sa isang restoran. Kaya pa ba ninyong bilangin ang mga periodistang pinapatay na parang mga manok dahil lamang sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin?
Sa harap ng ganitong mga kasuklam-suklam na pangyayari, nakalulungkot isiping halos lahat sa atin ay nagsisiwalang-kibo na lamang. Tuluyan na bang lumabo ang ating mga paningin? Nagkakalayo na ba ang ating mga pusot damdamin? Tayo ba ay nagiging henerasyon na ng mga bulag, duwag, mangmang, at mga manhid? Ano bang bagay na may saysay sa ating henerasyon ang maaari nating maipamana o maipagmalaki sa mga susunod pang mga henerasyon? Hahayaan na lang ba nating masumbatan ng saling henerasyon na wala tayong ginawa habang ang ating Inang Bayan ay walang-awang ginagahasa, dinuduraan, niyuyurakan sa harap mismo ng ating mga mata? Tanungin natin ngayon ang ating sarili kung naging makabuluhan ba ang ipinamuhay nating lahat nitong ating kasalukuyang henerasyon!
Hangang sa susunod na linggo po.