Sindikato niraraket may utang sa GSIS

BABALA mula sa Government Service Insurance System mismo: Huwag magpabiktima sa mga manlolokong nangingikil sa mga may delinquent housing loans sa GSIS. Makipag-sangguni sa mga GSIS offices lang.

Nabatid ng GSIS na may sindikatong nag-iikot sa mga GSIS housing projects at subdivisions, at tinatakot ang mga residenteng paltos sa bayad sa housing loans. Sinasabihan silang ipa-padlock ang units nila at ie-evict mula sa lugar kung hindi maghulog sa kanila miski antisipo man lang. Ibinubulsa ng sindikato ang pera. Hindi umaabot ang hulog sa GSIS, dahil hindi naman sila mga awtorisadong kolektor.

Marami nang natanggap na ulat ang tanggapan ni Arnaldo Cuasay, GSIS senior vice president for housing and real property. Pinupuntirya ng mga manggagantso ang may delinquent loan o cancelled contract, aniya. Nagpapanggap silang mga ahente ng GSIS.

Sinasamantala ng sindikato ang pag-isyu ng GSIS ng demand letters at cancellation notices sa delinquent borrowers. Bahagi kasi ng collection updating campaign, ani Cuasay, binalaan ng GSIS ang mga matagal nang hindi naghuhulog sa pinautang. ‘Yung mga hayagang tumalikod sa utang, kinansela naman ang loan contracts. Pero pinayuhan silang lahat nung una pa na magtungo sa GSIS para i-update ang bayad o buhayin ang accounts, sa ilalim ng Rate Reduction and Restructuring Program (RRRP).

Meron pa rin ilang hindi naka-avail ng pinagaang-hulog o in-extend na loan period sa RRRP, at sila ang kinikikilan ng racketeers. Kunwari’y aaregluhin nila ang gusot sa loob ng GSIS. Ilan sa mga nagantso ay taga-Pacita 1 Complex sa San Pedro, Laguna; Moonwalk Subd. sa Las Piñas; at Francisco Homes sa San Jose del Monte, Bulacan.

Kung isa ka sa mga tinatakot na bumunot sa bulsa, i-report agad sa pulis o barangay. O kaya’y tumawag sa GSIS housing loan department: (02) 8332750 o 8916150.
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments