Sa ngayon, puro na lamang awayan, siraan at pataasan ng ihi ang mga pulitiko. Nagkahati-hati na. Ang matindi pa nito para bang walang pakialam ang bawat panig kung ano man ang kahihinatnan ng kabila, basta ang mahalaga ay mapatumba ang kalaban nilang nasa kabilang panig. Ang naaapektuhan ay ang mamamayan at hindi ang mga hinayupak na mga pulitiko na kung tutuusin ay baka nga nakikinabang pa sa kanilang kadramahan.
Pulitikahan kaliwat kanan. Panay pansariling interes ang nananaig. Pati chairmanship at membership sa mga komite, pinag-aagawan at pinag-aawayan. Dahil kapag may hawak kang mahalaga at maimpluwensiyang posisyon sa alin mang kapulungan, pera na. Sikat ka na!
Kung talagang nais ni President GMA na lutasin ang mga problema ng bansa, magpakita siya ng halimbawa. Huwag na siyang makialam sa pulitikahan. Hikayatin niya ang Kongreso na makipagtulungan na sa kanya sa pagresolba sa mga problema ng bansa. Kailangang magpakatotoo siya at hindi plastikan lamang. Kapag ginawa niya ito, makukuha niya ang suporta ng mamamayan.