IPINAALAM NI PO3 MIEL CAFÉ sa kanyang mga magulang ang tungkol sa mga problemang dinaranas niya sa kanyang mga kasamang pulis sa trabaho.
"Sinabi rin sa akin ng biyenan ko na ang pinag-usapan nila ng kanilang anak noong November 28, 1996. Nasa Bicol pa kami noon at nagbabakasyon. Ang kuwento ng biyenan ko sa akin ay sinabi raw sa kanya ni Miel nang araw na tumawag siya sa telepono at sinabing "nanay, mainit-na-mainit sa akin ang iba kong mga kasamahan. Kahit na ang hepe kong si Ponciano Meraples. Ang dati raw niyang hepe ay inaalok siya ng P2 million para sa drugs, pero hindi raw niya ito tinanggap," sabi ni Concepcion.
Sa lahat ng mga kwento ni Miel wala daw itong bukambibig kundi ang pangalan ni Ponciano Meraples.
"Sinabi rin ni Miel na natumbok daw niya yung malalaking tao na humahawak ng droga sa Valenzuela. Wala na raw siyang katahimikan mula noon at parati daw na may sumusubaybay sa lahat ng kilos niya. Sinabi ng biyenan ko sa kanya (Miel) na lagi siyang mag-iingat and always expect the unexpected. Sumagot naman si Miel ay hindi mangyayari iyon dahil pulis Valenzuela din siya. Ayon kay Concepcion "
Nung December 1, 1996, mga bandang alas-sais ng umaga ang tiyahin ni Concepcion ay tumawag sa kanya upang ibalita ang nangyari kay Miel
"Ibinalita niya na patay na raw ang asawa ko!"
Base na rin sa kwento ng kanyang tiyahin, malapit na magdilim ng "sinalvage" si Miel.
"November 30 raw nang mangyari ang insidente. Noong bandang alas 3:00 ng hapon, may pumuntang pulis sa bahay namin. Magkatabi lang kasi ang bahay ng kasera namin at iyong sa amin. Kitang-kita raw nila sa may bintana nang sunduin si Miel ng kanyang mga kasamahang pulis, kwento ni Concepcion."
Ayon na rin sa mga testigo, dalawa sa mga kasamahan ni Miel colleagues, na sina PO3 Alfredo Alawig and PO2 Romeo Ventinilla ay pumasok sa kanilang bahay.
"Mayroon pa raw tatlong pulis na naghihintay sa ibaba nung mga oras na yun. Malapit sa owner na dala nila at nakaparada doon sa garahe ng kasera namin, Sa kalsada nakaparada yung dalawa pang owner. Yung bahay namin kasi ay nasa looban kayat hindi na nila naipasok pa yung dalawang owner sa aming bakuran. Dinig-na-dinig daw ng aming kapitbahay ang pinag-uusapan ng tatlo dahil halos dingding lang ang pagitan ng bahay namin sa kanila, sabi ni Concepcion."
Pilit daw isinasama si Miel dahil meron daw silang operations. Sumagot naman ito na hindi na raw siya operative dahil nga nailipat na siya sa Mobile unit. Ipinaliwanag pa ni Miel na hindi siya makakasama dahil susunduin niya ang kanyang mag-ina na nasa Bicol.
Nagpumilit daw yung mga pulis at sinabing na-mimiss na daw nila ang pagsama sa kanila ni Miel sa kanilang mga operations. Nagdalawang isip daw si Miel at parang kinutuban ng masama.
"Noong araw na iyon ay kasama ni Miel ang mga kaibigan niyang sina Tammy, Mack at Baby. Pero wala siyang nagawa dahil mapilit yung mga dati niyang kasamahang pulis kayat iniwan niya yung tatlo niyang kaibigan at sumama na lang sa mga nagtawag sa kanya patuloy ni Concepcion"
Makalipas ang treinta minutos, tumawag si Miel at si Tammy ang nakausap.
"Ang sabi raw ng asawa ko kay Tammy ay "pakisabi kay Bok na siya ang tatrabahuhin namin" at pagkatapos noon ay ibinaba na ni Miel ang telepono."
Si Bok ay isa ring kaibigan nila Miel at makatapos ang sampung minuto nakatanggap muli si Tammy ng tawag mula kay Miel.
"Iba na ang salita ng asawa ko noon. Parang takot siya at ang sabi niya ay hindi raw pala si Bok ang tatrabahuhin kundi siya. Iyon lang ang sinabi ni Miel at pagkatapos noon ay naputol na ang linya, kwento ni Concepcion."
Naalarma raw si Tammy sa sinabi ni Miel subalit hindi niya alam kung saan hahanapin ito o pupuntahan para tulungan.
Nung gabing yun, mga bandang alas-otso, tumawag ang pinsan nila Miel na si Armiel at sinabing habang nasa Our Lady of Fatima Hospital sila at merong dinadalaw at dun lang nila nalaman na patay na raw si Miel.
Ang mga attending doctors daw dun ay walang nakitang identification o documents para ma-identify si Miel at ito ang dahilan na hindi nila natawagan ang pamilya niya tungkol sa nangyari kay Miel.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni PO1 Alberto Abogado Jr., na miyembro din ng Valenzuela Police at isang imbestigador, noong Nobyembre 30, 1996, bandang alas -4:15 ng hapon, nakatanggap siya ng tawag buhat sa Police Kababayan Center Nr 1.
Si SPO4 Ponciano Meraples ang nag-report kay Abogado na nagkaroon ng barilan sa loob ng kanilang block station. Ang biktima raw ay si PO3 Miel Café at ito nga raw ay ipinadala na niya sa Fatima Hospital. Agad nagpunta si Abogado kasama si SID Chief Senior Inspector Christopher Tambungan and SPO1 Jess Sagisi sa block station.
"Naabutan nila doon sina SPO4 Meraples, SPO2 Dabu, SPO2 Benevides, PO3 De Vera, PO3 Alfredo Alawig, PO2 Romeo Ventenilla at isang civilian. Napansin nila na nagkalat ang dugo dun at merong mga basyo ng bala mula sa armalite at mga deformed slugs, paliwanag ni Concepcion"
Tumawag sila ng SOCO team from Camp Crame para makatulong sa imbestigasyon at sa pag-iimbestiga nila ay napagalaman nila buhat kay SPO4 Meraples na si PO3 Miel Café raw ay nabaril ng kapwa niya pulis (P03 Alfredo Alawig at PO2 Romeo Ventenilla) dahil sa lasing-na-lasing at nagwawala raw ito sa loob ng presinto.
Sinabi ni Alawig sa mga investigating policemen na sinubukan nilang awatin si PO3 Café subalit inambahan daw sila nito ng kanyang service gun. Wala daw silang nagawa kundi bariling itong si Miel.
"Ang sabi pa nga ng mga ito ay si Miel pa ang unang bumaril sa kanila. Pero alam ko at ng pamilya ni Miel na hindi magagawa ng asawa ko ang ganito. Walang katotohanan ang sinasabi nina PO3 Alawig at PO2 Ventenilla na nagwawala ang asawa ko sa lugar namin noon dahil may mga taong nakakita sa kanila nang hapong iyon na sinundo nila sa bahay si Miel at pinilit na isama dahil ang sabi nila ay may operation daw sila, napahagulol si Concepcion."
"Gusto ko lang na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng asawa ko dahil sa alam kong sinalvage nila ito dahil sa nadiskubre ni Miel ang kanilang involvement sa droga sa bayan ng Valenzuela," panawagan nung mga sandaling yun ng biyuda.
MAKALIPAS ang halos isang dekada, siyam na mahabang taon nang pakikibaka para sa hustisya, nababaan din ng sentensya ang mga taong nasa likod ng pagpatay kay PO3 Miel Café.
Death Penalty Sentence ang hatol ni Judge Luis Arranz ng Branch 11 ng RTC Manila.
Sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga taong hinahanap at may kaugnayan sa kaso ni Miel, maaring makipag-ugnayan lamang kayo sa ating mga law enforcers o sa "CALVENTO FILES" para sa maaga nilang pagkadakip.
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS MAAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.