Kasunod ng ibinulgar ng archbishop ay ang pagsulpot naman ng isang hindi nagpakilalang police official at ibinulgar ang tatlong personalidad na umanoy malapit sa mataas na pinuno ng bansa na nakikinabang ng milyong piso mula sa jueteng. May code names na M1, M2 at M7 ang tatlong personalidad. Ayon sa police official, si M1 ay tumatanggap ng P5 milyon bawat buwan sa bawat probinsiyang laganap ang jueteng operations. Si M2 ay tumatanggap naman ng P3 milyon bawat probinsiya at si M7 ay tumatanggap mula P3 milyon hanggang P5 milyon sa bawat probinsiya. Si M7 ayon sa police official ay nakabase sa south of Manila pero tumatanggap siya ng jueteng money mula sa Central at Northern Luzon.
Makaraang ibulgar ng police official sina M1, M2 at M7, nagkaroon agad ng espekulasyon na ang mga ito ay sina First Gentleman Mike Arroyo bilang M1 at kanyang anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo bilang M2. Si M7 ay hindi nakilala. Sabi naman ng Malacañang, pawang rumors ang lahat ng ito.
Lumala pa ang kontrobersiya sapagkat isang dating mambabatas mula sa Metro Manila ang nagsabi na may mga kasamahan siyang mambabatas na tumatanggap ng pera mula sa jueteng. Umanoy mula P50,000 hanggang P100,000 bawat buwan ang tinatanggap ng mga kapwa niya mambabatas. Maraming mambabatas ang nagalit sa sinabi ng dating mambabatas sapagkat pati raw ang walang kasalanan ay nadadamay.
Nayayanig na naman ang bansa dahil sa jueteng. Walang ipinagkaiba sa nangyari noong 2000. Ngayoy dawit ang asawa at anak ni President Arroyo. Itinuturong tumatanggap ng jueteng money. Ipinag-utos naman ni Mrs. Arroyo na imbestigahan ang asawa at anak.
Tama ang aksiyon ng Presidente na imbestigahan ang kasangkot pero mas magiging epektibo kung agad niyang ipag-uutos ang pagdurog sa illegal na sugal. Isang kumpas lang naman niya at siguradong the end ang jueteng. Sa ganitong paraan lamang matatapos ang problema sa jueteng na pati pamilya niya ay nahahatak sa kontrobersiya.