Nagkakaideya ang mga masasamang elemento sa lipunan. Imbes na mag-alok ng mga payola at retainer sa mga mediamen para pagtakpan ang kanilang baho, ipaliligpit na lang ang mga ito para manahimik. Mas mura kaysa magmantine ng payroll para sa mga corrupt journalists. Sabi nga, may mga hired killers na sa isang boteng kuwatro-kantos ay puwedeng utusang pumatay.
Ang latest victim ay si Philip Agustin ng Starline Time Recorder na tinaniman ng ilang punglo ng .45 kalibreng baril sa ulo. Patay! Nangyari ito ilang araw lang matapos itumba ang isang brodkaster ng DXAA sa Dipolog City na si Klein Cantoneros. Sa taong ito lamang, ang iba pa sa hanay ng mga napapatay na mamamahayag ay kinabibilangan nina Edgar Amoro ng Pagadian City, Arnulfo Villanueva ng Cavite at Marlene Esperat ng Sultan Kudarat.
May mga opisyal ng pamahalaan na nagmumungkahing armasan ang mga mamamahayag. Bakit? Hindi ba kaya ng ating mga tagapagpatupad ng batas na pangalagaan ang seguridad ng taumbayan kabilang na ang mga media practitioners?
Kasama kaming mga taga-media sa mga nagbabayad ng buwis. Kabilang sa serbisyong inaasahan namin ay ang proteksyon ng pulisya. Bakit ipapasa sa amin ang gawaing ito? At sakali mang magamit ng isang mediaman ang baril sa pagtatanggol sa kanyang sarili, ano ang garantiya na siyay hindi makakasuhan lalu pat depektibo ang proseso ng hustisya sa atin at puwede kang baligtarin? Pulis na ngay nakakasuhan pa kapag may binaril, kami pa kayang sibilyan?