Isang magandang halimbawa ay ang ginagawang pagpapaganda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo. Imagine, ang renovation ng sidewalk doon ay umaabot sa P19-milyon. Whew! Napakagandang daan na milyones ang halaga. Ang pagpapaganda ng sidewalk ay ideya mismo umano ni AFP chief of Staff Efren Abu. Papalitan ng mga may dekorasyong blocks ang dating sidewalk.
Milyones ang halaga ng sidewalk. Pero isang malaking katanungan kung mahalaga ba ito kaysa sa pagkain ng mga sundalo. Mahalaga ba ito kaysa sa mga butas-butas na combat shoes ng mga sundalo? Mahalaga ba ang sidelwalk kaysa sa mga unipormeng kupas ng mga sundalo? Habang pinagaganda ang sidewalk, maraming sundalo ang nag-aambag-ambag ng sariling pera para pambili ng bigas at ilang pirasong sardinas. Ayon sa report, hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga sundalo ang kanilang rice allowance.
Nakagugulat namang malaman na masarap ang buhay ng mga opisyales ng Coconut Industry Investment Fund (CIIF). Habang marami ang naghihigpit ng sinturon at marami ang nalilipasan ng gutom, nananagana naman pala ang mga officials ng CIIF. May magagarang sasakyan, libre ang gasoline, gumagastos nang malaki sa pagmiyembro sa mga golf clubs at bumibiyahe sa ibang bansa na kasama pa ang mga asawa.
Mismong ang nagresign na chairwoman ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na si Haydee Horac ay kinumpirma na milyong piso ang ginagastos ng mga officials ng CIIF. Hanggang sa aminin na nga mismo ni CIIF president and chief executive officer Rolando Golez ang totoo. Mula nang mapuwesto siya sa CIIF ay nabigyan siya ng Nissan Patrol na nagkakahalaga ng P2.2 milyon at may P25,000 bawat linggo na pang-gasolina. Ayon sa mga CIIF employees, gumastos si Golez ng humigit kumulang sa P6 milyon sa pagbibiyahe sa US at Europe habang kasama ang asawa. Bukod diyan, gumastos din siya ng P960,000 para sa pagmiyembro sa golf clubs. Pero sabi ni Golez, iyon ay bahagi sa kanyang compensation package.
Nasaan ang sinasabing magtitipid?