Ang nangyayaring corruption sa mga ahensiya ng gobyerno ay hindi nalilingid sa mga opisyales ng ibang bansa. Noong Biyernes nagpaalala si United States Deputy Secretary of State Robert Zoielllick na dapat magkaroon ng progreso ang gobyernong Pilipinas sa paglaban sa mga corrupt. Mariin ang pagkakasabi ni Zoiellick na para bang alam na alam niyang talamak ang corruption sa bansa. Sabagay, madali ngang malalaman ni Zooeillick ang talamak na corruption sapagkat maski ang mga American businessman ay matagal nang iniaangal ang problemang ito.
Matapos ang pagpapaalala ni Zoiellick tungkol sa corruption, muli na namang nagbanta si Mrs. Arroyo. Hindi raw niya itotolerate ang mga corrupt. Napagbalingan pati niya ang mga opisyal ng government firms na masyadong gumastos o mapag-aksaya. Noon pa ay binalaan na niya ang mga opisyal ng gobyerno na huwag aksayain ang pondo ng gobyerno. Magtipid ang kanyang sinabi.
Pero nakinig ba ang mga opisyal niya? Isang malaking NO ang sagot. Halimbawa na lamang dito ang opisyal ng Coconut Industry Investment Fund (CIIF) na si Rolando Golez na umaming ang kanyang bagong sasakyan at pati na ang pag-aabroad kasama ang asawa ay galing sa pondo ng CIIF. Pero iyon daw ay nakalaan talaga sa kanya bilang pinuno ng CIIF. Ang ganitong luho ng mga CIIF officials ay inihayag na rin ni dating PCGG chairwoman Haydee Yorac. Milyong piso ang nagagastos ng mga CIIF officials para sa kanilang mamahaling sasakyan, pagiging member ng golf club, gastos sa gasoline at pagkain at ang matindi ay ang pagbibiyahe sa ibang bansa.
Madalas ang pagbabanta ng Presidente laban sa mga corrupt sa pamahalaan. Mabibigat ang kanyang babala. Pero may kulang. Hindi niya nagagawa. Walang political will. Isang dahilan kaya patuloy ang mga buwaya sa paninila.