Hindi nagbubuga ng maputing usok ang four-stroke na sasakyan at mas tahimik ang andar nito. Yun nga lang, mas mahal at mas marami ang parte ng makina na dapat imentina ng four-stroke at mabagal pa itong umandar. Subalit kkung tama naman ang pangangalaga sa makina, mapapanatili itong nasa kondisyon at maiiwasan ang pagbubuga nito ng maruming usok.
Maliban sa maitim na usok, ang maputing usok na ibinubuga ng two-stroke ay masama rin sa ating kalusugan. Binubuo kasi ito ng hindi lubusang nasunog na gasolina na naglalabas ng hydrocarbon sa hangin; ito ay pinaghalong hydrogen at carbon na karaniwang natatagpuan sa aromatic component ng gasolina gaya ng benzene. Ang benzene ay isang kemikal na kilalang nagdudulot ng kanser.
Ang sanhi ng maputing usok ay ang pagkasunog ng labis na langis na naiipon sa loob ng muffler. Ito ay kadalasang nangyayari kapag sobrang langis ang inihalo sa gasolina.
Ayon sa Clean Air Act, lahat ng maaaring pagmulan ng polusyon sa hangin tulad ng mga industriya, ang traysikel at iba pang uri ng sasakyan ay kabilang sa kategoryang mobile sources. At lahat ng pagbuga ng usok ay dapat sang-ayon sa emission standards na nakapaloob dito.