Ang ating misyon

NGAYON ay Ascension o kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa Langit. Subalit bago siya bumalik sa Ama, nagbilin siya sa kanyang mga alagad (Mt. 28:16-20).

Ang 11 alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesús. Nang makita nila si Jesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan."


Malinaw na mula sa mga Alagad, lahat ng mga tagasunod ni Jesus ay may misyon, na pormal na naiatang sa atin ng tayo’y binyagan. Ang misyon, bilang pagsunod sa lahat ng ipinag-uutos niya ay: Palaganapin ang paghahari ng Diyos. At mapapalaganap natin ang paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng unang-una, pagdakila at pagmamahal sa Diyos; at ang ikalawa, ang pagmamahal sa kapwa.

Kung kaya’t lahat ng iniisip at iginagawi natin sa araw-araw nating pamumuhay ay nakasandig sa misyong ito. Sa maikling salita, nais ni Jesus na tayo’y maging saksi, tagapagpatunay, o tagapagpatotoo sa kadakilaan at pagmamahal ng Diyos. At ito ang ginawa ng mga unang alagad. Nagpatotoo, nagbigay-saksi sila kung sino at ano ang mga ginawa ni Jesus. Tinularan nila ang mga kabutihang ginawa ni Jesus at ang pag-akit sa mga tao na makilala ang Diyos.

Panginoon, sa aming pang-araw-araw na pamumuhay, nawa’y ang kadakilaan at pagmamahal mo ang makita sa amin ng aming kapwa, at sa gayon ay mapapurihan ka! Idulot mo po na sa maging isang mabuting tagasunod mo kami sa harap ng hirap, pasakit at sa anumang tagumpay. Amen.

Show comments