Ang kampanya laban sa mga quack optometrists ay pinag-ibayo sa katatapos na kombensyon ng OAP na ginanap sa Maynila na dinaluhan ng libu-libong optometrists sa bansa.
Ipinaliwanag ni Dr. Fe Flores-Cataquiz, isa sa mga sumusuporta sa naturang kampanya, na ilegal ang operasyon ng mga mapagsamantala at mapagkunwaring optiko. Sinabi niya na ang Republic Act 8050 na kilala bilang Optical Law of 1995 ay gumagabay sa propesyon ng optometry. Ayon sa batas, ang kurso ng doctor of optometry ay anim na taong pag-aaral sa kolehiyo at ang may karapatan lamang na magsagawa ng eye refraction ay ang mga nagtapos ng 6-year course at pasado sa pagsusulit ng Board of Optometry. Ang lalabag sa naturang batas ay may kaparusahang hindi bababa sa isang taon at hindi lalampas sa walong taong pagkabilanggo at magbabayad ng hindi bababa sa P10,000 at hindi tataas sa P40,000. Nakasaad sa RA 8050 na ang sinumang magsasagawa ng eye refraction, magpi-prescribe ng lente o eyeglasses at iba pang gawain ng isang optometrist pero walang lisensiya ay uusigin ng batas.
Ipinabatid ng grupo nina Dr. Cataquiz na dapat makipagtulungan ang publiko at huwag tangkilikin ang mga pekeng optiko at kung may nalalamang anumang iregularidad ay tumawag sa 817-2397 ng OAP na nasa 9th Floor ng Golden Rock Bldg., Makati City at sa optical clinic ni Dr. Cataquiz sa telepono 832-9015.