Nabanggit ko ito sapagkat namangha ako sa nakita kong pagkalungkot at pagluluksa ng mga Amerikano kahit na hindi Katoliko sa pagkamatay ni Pope John Paul II. Narinig ko kung paano nila binigyan ng magagandang papuri at halos sambahin ang yumaong Santo Papa samantalang magkakaiba ang kanilang mga reliyon. Si Bush ay isa sa mga matataas na pinuno sa daigdig na nagtungo sa Vatican at personal na nakiramay sa yumaong Santo Papa.
Ang isa pang nakagugulat ay ang napansin kong pagkasabik ng mga Amerikano kung sino ang mapipiling bagong Santo Papa. Hindi sila napuknat sa pagsubaybay sa telebisyon mula sa pagkamatay at paglilibing ng namayapang Santo Papa. Sinubaybayan din nila ang botohan ng 115 Cardinals para humirang ng bagong Santo Papa. At walang pagsidlan sa tuwa ang mga Amerikano nang mahirang si German Cardinal Joseph Ratzinger bilang kapalit ni Pope John Paul II. Si Cardinal Ratzinger ay pinangalanang Pope Benedict XVI.