Para sa ikababatid nang hindi pa nakaaalam kung paano inihahalal ang Papa, narito ang mga proseso.
Kapag yumao na ang isang Papa, nagpupulong ang mga Cardinal sa isang tinatawag na "conclave," na ang ibig sabihin ay: pagpupulong sa isang lugar na kung saan ang mga pintuan ay nakasusi. Nangangahulugang talagang sikreto ang paraan ng paghahalal. Ang mga kasama sa "conclave" ay mga Cardinal na may gulang na 80 anyos pababa. Sila lamang ang maaaring bumoto sa mga taong kandidato sa pagka-Papa. Sa kasalukuyan, bagamat may 183 Cardinal sa buong mundo, 115 lamang ang kuwalipakadong bumoto.
Ang paraan ng pagboto ay sa pamamagitan ng "secret ballot." Bawat isang Cardinal ay ilalagay sa isang inihandang papel ang pangalan ng ninanais niyang iboto. At ito ay inilalagay sa itinakdang lalagyan upang mabilang ng mga naatasang magbilang ng mga balota. Ang hinihinging dami ng boto para sa isang kandidato ay 2/3 ng kabuuang dami ng kuwalipikadong botanteng Cardinal. Pagkaraan ng 30 pagbabalota at wala pa ring naibobotong Papa, ang gagamitin naman nila ay ang proseso ng "majority vote," ibig sabihin, 50% + 1.
Kapag may napili nang Papa, may usok na puti na lalabas sa chimney ng Sistine Chapel. Kapag wala pang napipili, itim na usok naman ang lalabas sa naturang chimney. Sa mga nakaraang araw, itim na usok pa lamang ang lumalabas wala pang naihahalal.
Kapag lumabas na ang puting usok, may isang naatasang Cardinal na ipapahayag sa balkonahe na kinakikitaan sa Papa, "Habemus Papam!" ibig sabihin, "May Papa na tayo." At pagkaraan ng ilang minuto, ipapahayag na ang pangalan ng Papa at ang pangalang nais niyang gamitin bilang Papa.
Patuloy nating ipanalangin na makahalal na ang mga Cardinal, at ang susunod na Papa ay tunay na maging pastol sa kanyang kawan.