Nasa Diyos ang pag-asa

SA Ikalawang Linggong ito pagkatapos ng Pasko ng Pagkabuhay na Muli, napakaganda ng mga pagbasa, lalo na ang mga pagbasa sa Misa. Tunghayan natin ang naitalagang Ikalawang Pagbasa na hango mula sa Unang Sulat ni Pedro (1Ped.1:17-21).

"Walang itinatangi ang Diyos. Pinahahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At yamang tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo’y nabubuhay. Alam ninyo kung ano ang itinubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang itinubos sa inyo’y di mga bagay na nasisira o nauubos, paris ng ginto o pilak, kundi ang buhay ni Jesus na inihain sa krus. Siya ang Korderong walang batik at kapintasan. Itinalaga na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo, ipinahayag siya bago sumapit ang katapusan ng panahon. Dahil sa kanya, nananalig kayo sa Diyos na sa kanya’y muling bumuhay at nagparangal, anupat ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos."


Sa gitna ng ating mga dalahin sa buhay, mga pasakit, mga kahirapan, mga mabibigat na suliranin na animo’y wala nang kalutasan, mataimtim nating pagnilayan ang mga napapaloob sa sulat na ito ni Pedro.

Sana’y tunay na madama ninyo sa inyong mga pagsusumikap hinggil sa inyong mga pinagkakaabalahan at mga pasanin, nandiyan si Jesus na karamay natin. Tiyak na Siya ang Kalutasan ng ating mga suliranin. Siya at tayo ang magkatuwang sa lahat ng bagay.

Show comments