Mabilis na nahuli ang isa sa mga humoldap kay Brion. Inginuso siya ng kanyang kapitbahay. Narinig umano ng kapitbahay na ipinagyayabang ng suspect na si Victorio Mallari, 24, na mayroon silang hinoldap na foreigner. Pero bago iyon nagsagawa muna nang puspusang saturation drive ang mga pulis ng Western Police District sa lahat ng tricycle drivers sa nasabing lugar subalit hindi nakita si Mallari. Sinabi naman ng suspect na nilapitan lamang siya ng kasama niyang si Jess at sinabing holdapin daw nila ang foreigner sapagkat marami itong pera. Ang pera raw ay nasa kanyang partner sa panghoholdap. Inamin ni Mallari na siya ay drug user at miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik. Hinahanap pa ng mga pulis ang kasabwat ni Mallari.
Maaari palang mahuli agad ang mga holdaper kung gugustuhin lamang ng mga pulis. Ito ay kung foreigner siguro ang mahoholdap. Imagine, 18 oras makaraan ang panghoholdap ay naaresto na agad ang suspect. Kung Pinoy kaya ang naholdap ganito rin kabilis o hindi na mahuhuli ang mga holdaper? Maaaring hindi na.
Maraming pagkakataon na inirereport ng mga nabiktima ng holdap ang pangyayari sa police station subalit may mga pulis na walang interes na habulin ang mga holdaper. Iba-blotter lamang ang mga reklamo. Karaniwang dahilan ng mga pulis ay wala silang sasakyan kaya hindi na mahahabol. Isa rin sa dahilan ay kulang daw sila sa tao. Kaya walang magawa ang mga nagrereklamo kundi ang umalis sa police station na laglag ang balikat.
Kakahiya ang nangyari sa Belgian sapagkat una nang pinamalita ng PNP ang seguridad sa mga delegado ng IPU. Marami raw naka-deploy na mga pulis. Kung maraming pulis bakit naholdap ang Belgian? Kailan maipatutupad ng PNP na laging may pulis sa kalye at sa anumang oras ay makadadalo sa pangangailangan hindi lamang ng dayuhan kundi mga Pinoy man?