Base sa batas na ito ang sinumang magtatayo ng proyekto o establisimyento na maituturing na environmentally critical project o yaong magdudulot ng epekto sa kapaligiran o kaya ay itatayo sa mga lugar na idineklarang environmentally critical areas (ECAs) ay inaatasang kumuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau (EMB).
Bilang mga pangunahing ahensiya na tagapagpatupad sa batas na ito, gumagawa ang DENR at EMB ng mga hakbangin upang gawing mas episyente ang pagpoproseso at pag-iisyu ng ECC.
Ang pinakahuling pagbabagong isinagawa natin ayon sa ipinalabas na DENR Administrative Order 2005-02 ay ang pagbibigay ng exemption sa mga kompanya at proyektong nasasakupan ng Philippine Economic Zones na nasa loob ng Laguna de Bay Region na kumuha ng kanilang ECC sa Laguna Lake Development Authority (LLDA). Sa halip, isasagawa ang pagpoproseso at pag-iisyu ng ECC sa EMB-Region 4 para sa mga proyektong nasa CALABARZON at sa EMB-NCR naman para dun sa proyektong nasa Metro Manila.
Ang pagbabagong ito ay isinasagawa hindi lang para mapabilis ang pagpoproseso at pag-iisyu ng ECC kundi upang masigurado ang mabilis at maayos na pagpasok ng mga investors sa ating bansa.
Mahalagang malaman din natin na ang pagpoproseso at pag-iisyu ng ECC para sa mga Environmentally Critical Projects na nasa Laguna de Bay Region ay mananatiling nasa hurisdiksiyon ng EMB Central Office pa rin ayon sa DENR Administrative Order 2004-61.