Tama lang na papurihan ni Razon ang kanyang staff, support units, district directors, station commanders, chiefs of police at precinct commanders sa dedikasyon nila sa trabaho noong Holy Week at NPA anniversary. Maliban sa insidente ng pagkatuklas ng home-made bomb sa Act Tower sa Makati City, wala nang naitala ang pulisya na bahid ng kaguluhan sa dalawang okasyon. Kung ibinaba man ni Razon ng isang araw ang full alert ng kapulisan natin para magpahinga sila, aba naibalik naman niya ito sa tamang oras sa founding anniversary ng NPA kahapon. Ika nga, on their toes palagi ang NCRPO sa panawagang kaguluhan ng mga kalaban ng gobyerno at hindi naman sila sumemplang, di ba mga suki? May pruweba na ang NCRPO kaya masasabi nating makakatulog nang mahimbing na ang Metro Manilas dahil alam nilang pangangalagaan ng kapulisan sa liderado ni Razon ang kapakanan nila. He-he-he!
Halatado na bang binubuhat ko ang bangko ni Razon, ha mga suki? Pero teka nga muna. Batiin ko lang ang bagong promote na si Chief Supt. Eric Javier ang chief of directorial staff ng NCRPO.
Matapos manumpa sa Camp Crame noong Lunes, binigyan ni Razon ng arrival honors si Javier sa Camp Bagong Diwa sa Taguig. Si Javier ang kauna-unahang West Point graduate sa hanay ng kapulisan natin na naging heneral. Miyembro rin siya ng PMA Class 77. He-he-he! Kasi nga, dalawa lang naman ang opisyal ng PNP natin na graduate ng West Point sa US. Ang isa pa ay si Supt. Napoleon Taas, ang intelligence chief ng NCRPO, na napabilang naman sa Class 84. Kaya ko binabanggit itong sina Javier at Taas dahil malaking papel ang ginampanan nila para maging matagumpay ang liderato ni Razon, di ba mga suki?
Ang security sa IPU, aba malaki rin ang papel na gagampanan nina Javier at Taas lalo na ang kaibigan kong si Supt. Moro Lorenzo, ang operations chief naman ng NCRPO. Ayon kay Lorenzo, may 145 bansa na ang nagkumpirma ng pagdating ng kanilang delegado sa bansa. Huwag kumurap!