Mainam katrabaho ang una. Iaangat ka sa teamwork, at kapwa kayo kagigiliwan ng boss. Kung perfectionist si boss, mapapagaya ka at marami ang matututuhan. Kung perfectionist ang subordinate, kampante kang tama ang gawa, kaya madalas umentuhan sa tuwa.
Mahirap kasama ang ikalawa. Ipapahamak ang buong team sa boss. Kung pabaya si boss, lubog ang kompanya. Kung pabaya ang subordinate, nanganganib ang kaligtasan at buhay mo.
Ang puwede-na-yan attitude ay sumisira sa maraming produkto. May diyaryong puro mali ang balita at spelling dahil sa pabayang editor o proofreader. May kotseng lemon dahil dumaan sa pabayang mekaniko. May bahay na puro leaks ang plumbing o shorted ang electricals o bakbak ang pintura dahil sa pabayang tubero o electrician o pintor.
Laganap ang puwede-na-yan atitude sa burokrasya. Katuwiran nila, dahil daw mababa ang sahod o morale. Ayon sa iba, dahil sa kawalan ng merito sanhi ng civil service security of tenure. Para sa akin, depende lahat sa kinalakihat kinagawian ng indibidwal, kung mahal niya ang ginagawa ano man ang sahod at puwesto. Kaya nga may nahihirang na outstanding civil servants: Public school teachers, pulis, sundalo o kawani.
Sa pagpapabaya nagkaka-blackout sa Napocor, nade-derail ang tren ng PNR, nakakalusot ang dapat buwisan ng BIR at Customs. Sa pabayang safety inspector lumubog ang ferry sa Pasig, kaya dalawang magkapatid ang nalunod. Sa pabayang health officer nakalusot ang nalasong maruya, kaya 27 bata ang namatay sa Bohol. Tiyak ko, sa palakad ng Camp Bagong Diwa jail, "puwede na yan" ang sabi-sabi sa pabayang trato sa Abu Sayyaf detainees. Naku, buhay nila at ng iba pa ang naging kapalit.