Buwagin ang Senado at House

NAG-AWAY ang mga congressmen at mga senador. Ito ay dahil sa ginawang pagpasa ng mga senador sa 2005 budget. Nagalit ang mga congressmen dahil inaprubahan agad ng mga senador ang budget na hindi tumawag ng bicameral conference kung saan inihahabol ang anumang pagbabago o insertions. Dahil walang naganap na bicameral conference, hindi raw naisingit sa budget ang pagdadagdag sa pork barrel ng mga congressmen.

Kaya naman daw inaprubahan kaagad ng mga senador ang budget ay sapagkat baka maagaw pa ng mga congressmen ang daang milyong piso na nakalagay sa budget para sa equivalent ng pork barrel. Ito raw ang dahilan kung bakit minadali nang ipinasa ng mga senador ang budget. Baka magkasulutan pa.

Matindi ang galit ng mga congressmen. Sumigaw ang mga ito na buwagin na ang senado dahil walang saysay. Hindi naman nagpatalo ang mga senador. Buwagin na rin ang House of Representatives. Sa kaguluhang ito, maliwanag na ang pinagmumulan ng lahat ay ang pansariling kapakanan ng mga mambabatas at hindi para maglingkod sa mamamayan.

Dapat nang buwagin ang Senado at House of Representatives. Hinahamon ko ang mga senador at mga congressmen na makiisa na sa tawag ng mamamayang Pilipino na mapalitan na ang kongreso ng mga miyembro ay nirerespeto. Kahawig din nito ang inilabas na panawagan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na mabuti pang buwagin ang Senado at House at palitan ng isang council. Makakatulong rin nang malaki na matuloy ito kung ang lahat ay makikiisa at susuporta sa naturang adhikain.

Show comments