Alam ba ninyo na ang higit na pinagmumulan ng sunog sa mga kagubatan ay ang pagkakaingin o slash and burn? Kabilang na rin dito ang paggawa ng uling, camp fires, pagtatapon ng upos ng sigarilyo at pagkuha ng itlog ng langgam at honey.
Kaya sa pagkakataong ito, ang mga foresters at mga forest rangers ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lahat ng rehiyon ay pinakikilos upang bantayan ang 133 fire look-out stations sa buong bansa at upang makipag-coordinate sa mga provincial at municipal disaster coordinating councils.
Ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 1, 3, 4, 7, 10 at 11 ay itinuring na drought-prone areas ng DENR. Ang pinaka-delikado sa sunog ay ang kabundukan sa CAR dahil sa madaling masunog na resinous substance ng mga pine trees. Ang pine forest sa CAR ay tinatayang umaabot sa 190,114 ektarya. Ang Benguet pine na siyang pinagmumulan ng olco resin na ginagamit sa paggawa ng turpentine ay tumutubo lamang sa kabundukan ng Cordillera na may altitude mula 500 hanggang 2,500 meters. Noong nakaraang taon may 356 ektarya ng pine forest ang nilamon ng apoy at sinira ang may 209,957 poles na nagkakahalaga ng P1.92 million.
Kaya nananawagan kami sa mga LGUs, environmental groups, community-based forest management groups at mga stake holders na tumulong upang maiwasan ang forest fires. Samantala, ang departamento ay nagtatayo naman ng water impounding dams upang maipon ang tubig-ulan at yaong tubig mula sa mga ilog at creeks, pagmo-monitor sa mga nagkakaingin, sa mga nagsusunog ng mga pasture land upang mapadali ang pagtubo ng damo at ang regular na pagsasagawa ng forest fire drills katulong ang mga forest-based communities na kabilang sa Community-based Forestry Management (CBFM) program ng DENR.