Isang magandang balita naman na ang Supreme Court pala ay hindi natutulog sa ginagawang kabulastugan at kawalanghiyaan ng mga "hoodlums in robes". Noong nakaraang taon, 56 na hukom ang pinarusahan ng Supreme Court. May kabuuang 582 na ang mga hukom na kanilang pinarusahan, ayon kay Justice Artemio Panganiban mula pa noong 1986. "Sila ay mapanganib sa lipunan. Mas masahol pa sila sa mga kriminal na kanilang sinentensiyahang makulong," sabi ni Justice Panganiban. Si Panganiban ang chairman ng Supreme Courts 2004 Judical Excellence Committee.
Ang 56 na "hoodlums in robes" ay pinarusahan dahil sa imoralidad, masamang asal, masamang gawain, pag-abuso sa tungkulin, hindi makatuwirang hatol, pag-atrasado sa desisyon sa kaso at kapabayaan. Noong 2002, pitong hukom ang sinibak sa tungkulin at 91 pa ang sinuspinde at pinagmulta. Ito ay bahagi ng kampanya ng Supreme Court sa mga "hoodlums in robes".
Masahol pa sila sa criminal gaya ng sinabi ni Panganiban. Totoo ito. Dahil sa mga corrupt na hukom kaya marami ang nagrerebelde. Marami ang inilalagay sa kamay ang batas sapagkat nagiging biktima ng hukom na mukhang pera, abusado, tamad at hindi alam ang tungkulin. Paigtingin pa ng Supreme Court ang kanilang kampanya laban sa mga "hoodlums in robes" upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa judiciary. Marami pang "hoodlum in robes" sa ngayon at dapat lamang sila madurog.