Kinasuhan na ni Environment Sec. Mike Defensor ang 19 na tao kabilang ang dalawang korporasyon na sangkot sa illegal logging activities. Kasong kriminal ang isinampa sa kanila. Ayon pa kay Defensor, inihahanda na rin ang pagsasampa ng administrative charges laban sa 15 barangay officials kung saan, ayon sa secretary ay hindi nakipag-cooperate sa kanila para matukoy ang mga illegal loggers. Ayon naman sa justice department, pinag-aaralan nila kung sasampahan na rin ng economic sabotage ang 19 kataong kinilala ni Defensor.
Magandang balita ito para sa mga nasalanta ng pagguho ng lupa at pagbaha lalo pa sa Real, Infanta at Nakar sa Quezon at ganoon din naman sa Dinggalan, Aurora. Pero ang tanong, mabilis bang gigiling ang batas laban sa mga illegal loggers? Mabilis ba silang maihahatid sa kulungan o kasingbagal din ng mga kasong hanggang ngayon ay nakabimbin sa Korte?
Ang 19 na illegal loggers ay kinasuhan ng paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revise Forestry Code of the Philippines. Ang illegal logging sa ilalim ng batas ay may kaparusahang anim hanggang 20 taong pagkabilanggo.
Maganda ngang balita na may nakasuhan ng mga illegal logger. Pero nakapagtatakang hindi naman naisama ni Defensor ang una niyang binunyag na may mga pulitikong sangkot sa operasyon ng illegal logging. Ayon kay Defensor, tatlong mayor at isang dating congressman ang protector ng mga illegal loggers hindi lamang sa Quezon kundi pati sa Mindanao. Nasaan na ang mga ito? Ibinunyag ito ni Defensor makaraang magbangayan sila ni Sen. Jamby Madrigal. Inakusahan ni Defensor ang pamilya ni Madrigal na sangkot sa mining operations at illegal logging. Itinanggi naman ito ni Madrigal.
Labis na masisiyahan ang marami kung mabubulok sa bilangguan ang mga illegal loggers para hindi na maulit ang ngitngit ng kalikasan.