Ang pagbinyag kay Jesus

MAITATANONG natin sa sarili: Kailangan bang mabinyagan si Jesus? Sa katunayan, sa salaysay sa Ebanghelyo, tumangging binyagan o bautismuhan ni Juan Bautista si Jesus. Pakiramdam niya’y siya pa dapat ang binyagan ni Jesus. Talaga bang hindi na kinailangan binyagan pa si Jesus? Anupa’t siya’y ganap na banal. Siya ang Anak ng Diyos. Bakit niya iginiit na mabiyagan din?

Basahin ang Mateo 3:13-16.

Si Jesus ay dumating naman sa Jordan mula sa Galilea at lumapit kay Juan upang pabautismo. Sinansala siya ni Juan na ang wika, "Ako po ang kailangang bautismuhan ninyo, at kayo pa ang lumalapit sa akin!" Ngunit tinugon siya ni Jesus, "Hayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos." Pumayag si Juan. Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos, bumababa sa kanya, gaya ng isang kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!"


Totoo na si Jesus ay ganap na banal. Hindi niya kailangang mabinyagan. Ngunit ang kanyang pagpapabinyag ay isang gawain ng pagpapakumbaba. Kung si Jesus na hindi nangangailangang mabinyagan ay tumanggap ng bautismo, ano pa kaya tayo na namarkahan o nabahiran ng kasalanang mana?

Halos lahat sa atin ay nabinyagan nang tayo’y mga sanggol pa lamang. Hindi natin alam kung ano ang nangyari sa ating binyag. Ito ay panahon ng pagninilay. Sa binyag, tayo ay hinuhugasan o nililinisan sa ating kasalanang mana. Ginagawa tayong mga anak ng Diyos. Kinakailangan natin ang binyag upang matanggap natin ang iba pang mga sakramento. Ang kumpil ay walang bisa kung tayo’y hindi binyagan. Ang kasal ay walang bisa bilang isang sakramento kung ang mga nagpapakasal ay hindi nabinyagan. Ang nais magpari ay hindi maaaring maordinahan kung siya ay hindi binyagan.

Ganyan kahalaga ang binyag.

Show comments