Parusa ng langit

Palibhasa ako’y sa Quezon nagmula

Sa nangyari roon ako’y napaluha;

May mga magulang, kapatid at bata -—

Nalibing sa putik at malaking baha!

Ang ulan ay dulot ng bagyong malakas

Na s’yang nagtipon tubig sa itaas;

Ang malaking baha nang ito’y bumagsak

May kasamang bato’t trosong matitigas!

Ang baha’y umagos sa mga tahanang

Nasa tabing-bundok, mga kapatagan;

Kaya mga tao’y biglang natabunan

Ng lupa at trosong doo’y nagbagsakan!

Maliit na bahay —- bahay na malaki

Walang pinatawad, nawasak ang kalye;

Dahil sa kinalbo bundok na malaki

Parusa ng langit ay biglang nangyari!

Pero bakit naman nasabing parusa,

Ay sa mamamayan lumatay na bigla?

Hindi naman sila ang siyang may gawa

Ng kasalaulaang ayaw ni Bathala!

Kaya sa nakitang sinapit ng bayan

Nagpuyos ang aking puso at pandamdam;

Saka ko nasabing dapat parusahan

Ang illegal loggers na may kagagawan!

Ang trahedyang ito sana’y di nangyari

Kung ang mga lider ay hindi nagkubli;

Sana ay hindi rin sila natameme

Habang pinuputol kahoy na marami!

Sino’ng nagpabaya -— sino ang pumayag

Na ang magtotroso’y doon mamayagpag?

Hindi ba’t doon ay mayrong nagmamatyag

Na taong-gobyernong may hawak ng batas?

Show comments