EDITORYAL – Maraming high school students ang di-marunong bumasa

NAKAAALARMA ang report na karamihan sa mga high school students ay hindi marunong bumasa. Ano ang kahihinatnan nila? Kawawa sila sa hinaharap. Hindi lamang pala ang problema sa mga teachers, mali-maling textbooks, kakulangan ng classrooms ang problema ng Department of Education (DepEd) kundi pati na rin ang mga estudyanteng hindi marunong bumasa. Dapat malaman ang ugat ng problemang ito upang hindi naman maging kawawa ang mga estudyante sa pagdating ng panahon. Hindi biro ang problemang ito na dapat matutukan ng mga taga-DepEd. Pero siyempre, may malaking bahagi ang mga magulang sa proble-mang ito.

Ang nakaaalarmang report na marami sa mga high school students ang hindi marunong bumasa ay nanggaling mismo sa bibig ng mga DepEd officials. Nabuksan ang problema dahil sa idinaos na National Educators Congress sa Bacolod Convention Center na ang tema ay may pamagat na "Building Literacy: A Collective Responsibility". Sinabi ni Education Undersecretary Fe Hidalgo na karamihan sa mga high school students ay hindi marunong bumasa. Wala umanong exact figures ang DepEd kung gaano karami ang mga hindi marunong bumasa pero natantiyang malaki ang bilang dahil kakaunti o kulang sa isang porsiyento ang mga pumasa sa ibinigay na competency test sa English, Science at Math.

Sabi pa ng undersecretary, maaaring nakababasa ang estudyante pero hindi niya naiintindihan ang kanyang binabasa. Sinabi pa ni Usec Hidalgo na maraming kadahilanan kung bakit marami sa mga high students ang hindi marunong bumasa at una na rito ang malnutrition sa mga bata, limitadong resources ng public schools at ang mahihina at kulang sa training na mga teachers. Sabi pa ni Hidalgo, "Masakit sabihin ang katotohanan, pero ang edukasyon sa Pilipinas ay nasa krisis."

Nasa krisis talaga ang edukasyon sa Pilipinas kapag ganitong ang mga estudyante sa high school ay hindi marunong bumasa. May katotohanan ang tatlong dahilan na binanggit ni Hidalgo. Malnutrition, limited resources at walang kasanayang mga guro. Idagdag pa ang mga mahihinang klase ng textbooks.

Marami ang nagsulputang eskuwelahan ngayon, parang mga kabute na kung saan-saan sumibol, na mataas pa ang tuition, ang tanong namin ngayon, nakikilatis pa ba ng DepEd kung anong klaseng turo ang ibinibigay ng mga school na ito? Sila ang dapat unahing kilatisin ng DepEd.

Show comments