Ang pagbagsak ng mga estudyante sa unang HSRT ang nag-udyok kay dating DepEd Sec. Edilberto de Jesus para isulong ang bridge program. Sa bridge program, sasailalim ang mga hindi nakapasa sa HSRT sa isang taong tutorial. Kapag natapos na ang isang taong "tutorial" saka lamang makapapasok sa regular high school ang estudyante. Pero marami ang bumatikos sa "bridge program" kaya ginawa na lang itong optional. Maski ang Malacañang ay tutol dito. Sa kabila na marami ang tutol, may mga estudyanteng sumailalim sa bridge program at hindi na sila kumuha ng ikalawang HSRT. Tinatayang nasa 300,000 estudyante ang nasa "bridge program" ngayon.
Ang "bridge program" ni dating DepEd Sec. De Jesus ay okey naman sa bagong hirang na Education Sec. Florencio Abad. Itutuloy umano niya ito.
Kami man ay hindi sang-ayon sa bridge program sapagkat dagdag lamang ito sa gastos ng magulang. Imagine, kung isang taong sasailalim sa tutorial para makatuntong sa high school. Mas mainam pa kung dagdagan na lamang ng isang taon ang elementary.
Ilan pang paraan ay ang pagdadagdag nang mahuhusay na guro at mga textbooks na ginagamit. Ngayoy kapansin-pansin na wala nang mahuhusay na guro sapagkat nagsipag-abroad para kumita nang malaki. Ang mga textbooks ngayon ay maraming mali sa grammar. Ano ang aasahan sa ganitong nangyayari? Maaari bang makapag-produce na mahuhusay na estudyante kung walang mahusay na guro at de-kalidad na libro.
Ang DepEd ang nararapat kumilos para hindi nabobobo ang mga estudyante.