Maganda sana ang pork barrel kung gagamitin sa tamang rason. Pero naging kontrobersyal nga ito dahil naging "cosmetic" ng mga mambabatas para magpa-guwapo sa mga mamamayang kanilang nasasakupan.
Nahaharap ang bansa sa matinding kakulangan ng pananalapi, dapat na nating tanggapin ang pagkakalansag ang pork barrel system. Tiyak may aangal. Yung mga taong nakikinabang sa mga Kongresista. Ngunit talagang mahigpit ang pangangailangan ng bansa sa pananalapi, kung hindiy lalong darami ang naghihikahos. Ang kahirapan ay ugat ng pag-aalsa ng mamamayan. Tumataas ang krimen, at dahil disgustado ang marami, natututo silang gumawa ng karahasan.
Kamakalawa ay ginunita ang ika-tatlong anibersaryo ng malagim na pag-atake sa twin towers sa New York na naghudyat ng iba pang terrorist attack sa ibat ibang dako ng mundo kasama na ang Pilipinas.
Terrorism is still a deadly threat that must be countered by vigilance, ani Presidente Gloria Arroyo. Dapat daw tayong maging alerto upang mapigilan ang paghahasik ng lagim ng mga terorista.
Tamang maging alerto ang lahat. Pero ang dapat pagtuunang pansin ng pamahalaan ay ang pagpungos sa ugat ng terorismo. Ang terorismo ay nag-uugat sa pagka-disgustado ng mga tao. Tulad din iyan ng komunismo na naghahasik ng sari-saring pag-aaklas.
Pag-aaklas laban sa mga mapang-abusong employer at kawalan ng hustisya para sa mga mahihirap. Ngayoy pataas nang pataas ang halaga ng mga bilihin samantalang ang sahod ng mga obrero ay nananatiling mababa.
Kapag hindi na naghusto ang kinikita ng isang mahirap, napipilitan siyang lumabag sa batas. Kapag nahuli siya ng tinatawag na long arm of the law, tiyak na siyay maparurusahan.
Okay lang maparusahan ang mga lumalabag sa batas pero naparurusahan din ba agad ang mga impluwensyal sa pamahalaan na tiwali at hinuhuthot ang kabang bayan?