Sa madaling salita, katiting lang ang kaya natin punuan. Yun ay dahil tinatapon ng mga magsasaka ang coir. Hindi nila alam na maraming bumibili nito para gawing lubid, matting, tela o palaman sa mattress, sofa at car seats. Ang pinaka-matinding gamit nito ay sa China, para ihinto ang paglamon ng disyerto sa mga sakahan.
Lungkot si Lim na P10,000 lang kada ektarya ng buko kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kaya raw ito itaas hanggang P80,000. Abala siya sa pagtatayo ng copra buying stations sa mga probinsiya. Ibebenta dito ang copra ng dagdag P2/kilo, dahil wala nang middle-men. Dagdag-kita ito na P2,000 kada ektarya. Nais din niya ng niyog processing plants sa gilid ng mga niyogan. Dehusked coconut na lang ang ibebenta ng magsasaka, imbes na lutong kopra, para marami pa siyang ibang magawa. Bahala na ang planta sa pagkokopra. Dagdag uli itong P4,000/ektarya/taon.
Dahil may oras na ang magsasaka, puwede na siya mag-intercrop ng ibang tanim sa pagitan ng mga punong-buko: Dagdag P9,000/ektarya. At puwede pa siya magpalaki ng baboy, kambing, baka o manok: dagdag na P15,000/taon.
Dapat daw turuan ng replanting at fertilization ang magsasaka, ani Lim. Isa sa bawat apat na puno ay matanda na at ayaw mamunga. Pero yung ilan, kaya pang pabungahin sa pamamagitan ng pataba, na patawang tinatawag ni Lim na coconut Viagra. Yung talagang baog na, dapat palitan ng variety na mabilis lumaki at mayabong mamunga. Dagdag na P48,000 kada ektarya.
Kung magawa lahat ito, kasama ang murang pautang sa negosyo, 3.5 milyong pamilya ang maiaahon mula sa kahirapan.