Pero tinamaan na naman sila ng indulto nitong Hunyo. Katataas-pasahe pa lang, ilang ulit na naman nagtaas-presyo ng langis. Kumbaga, ngayon lang sana sila babawi, naudlot pa. Balik sila sa dating isang kahig-isang tukang buhay.
Para makahulagpos sa kahirapan, sana hindi lang Petron ang magbigay ng P1 discount sa diesel, kundi lahat ng gasolinahan din ng Shell, Total, Unioil, Flying V, at iba pa. At dapat, hindi lang sa diesel kundi pati sa regular gasoline. Kasi sa maraming bahagi ng Visayas at Mindanao, gasoline imbes na diesel ang kinakarga ng tinatawag na multicabs.
Bawiin na lang ng gas stations ang discounts sa jeepneys mula sa private vehicles, lalo na sa sports utility vans ng mayayaman.
Madaling ipatupad ang discounts. Basta may plakang dilaw at itim ang jeepney, areglado na sa mas murang singil sa diesel at gasoline. Kung walang plaka, walang discount; magpa-rehistro muna ang driver-operator bilang public utility. Hindi rin puwede ang fake na plaka o kaya bitbit na drum; dapat jeepney mismo ang papasok sa filling station.
Sa mga pribadong sasakyan naman, itaas ang presyo nang 25-30¢ kada litro. Sa dami nila, mapupunuan na ang P1 discount sa jeepneys. Kaya nila ito; nakabili nga sila ng kotse.
Puwede ring bigyan ng discount ang government vehicles na may plakang pulat puti, pero sa kondisyong ibebenta nila ang makonsumong SUVs. Kung mainggit ang bus operators at truckers, e di mag-switch sila sa compressed natural gas na P9 lang kada litro at matagal nang tinutulak ng Department of Energy. Patas-patas lang sa hirap at ginhawa.