^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Magtipid!? Magtipid!? Magtipid!?

-
KASUNOD nang pag-amin ni President Arroyo na nasa fiscal crisis ang bansa, agad naman siyang nag-isyu ng batas na nag-uutos magtipid ang lahat ng mga opisyal at empleado ng gobyerno. Inisyu niya ang Administrative Order No. 103 na nag-uutos magbawas ng gastos ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, kolehiyo at mga pamantasan, at mga korporasyong kontrolado ng gobyerno o mga GOCCs. Ang sinumang lumabag sa itinatadhana ng AO103 ay patatalsikin sa serbisyo at kakasuhan ng kriminal. Hindi na puwede ang "lavish lifestyles" o marangyang pamumuhay. Kailangang maging simple ang pamumuhay lalo pa ang mga opisyales ng gobyerno.

Nasa krisis ang bansa. Baon na baon sa utang. Lumulubo ang budget deficit. Patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya. Hindi naman malaman ni President Arroyo kung saan kukuha ng pondo. Walong tax measures ang kanyang binabalak at sinabi na niya ito sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 26, 2004. Tax ang kanyang puntirya para makalikom ng buwis pero maraming tutol. Hindi na raw dapat pahirapan ang taumbayan sapagkat sagad na sagad na sa paghihigpit ng kanilang sinturon.

Hindi naman mapilit ang mga senador at kongresista na bitawan nang tuluyan ang kanilang pork barrel fund. Tanging sina Senators Panfilo Lacson, Joker Arroyo, Franklin Drilon at Alfredo Lim ang nagsabing bibitawan nila ang kanilang pork para makatulong sa naghihirap na bansa. Noong 2002 pa hindi ginagamit ni Lacson ang kanyang pork barrel allocation. Sinabi pa ni Lacson na ang pagtulong sa bansa ay hindi dapat kalahati kundi buo.

Magtipid! Magtipid! Magtipid! Ito ang panawagan ni President Arroyo. Mahigpit ang kanyang utos. Bawal na ang pagbibiyahe ng mga opisyal ng gobyerno Ipinagbabawal na rin ang overtime sa mga opisina ng gobyerno, bawal na ang mga mararangyang parties, bawal na ang pagdaraos ng mga palaro, bawal nang bumili ng mga sasakyan, maliban kung ambulansiya o mga patrol cars, babawasan na ng 10 percent ang ibinabayad sa mga consultant, hindi na magkakaloob ng honoraria o allowances sa mga lecturers, resource persons, coordinators sa mga idinaraos na training programs.

Marami nang bawal ngayon para makatipid. Siya nga pala si President Arroyo, kasama ang kanyang asawa, mga anak, manugang, apo, mga yaya at bayaw ay nasa China ngayon. Bumisita siya kasama ang 16-members ng official delegation. Pag-uusapan ang tungkol sa Spratlys at ang paghahanap ng petroleum sa South China Sea.

ADMINISTRATIVE ORDER NO

ALFREDO LIM

JOKER ARROYO

LACSON

MAGTIPID

PRESIDENT ARROYO

SENATORS PANFILO LACSON

SOUTH CHINA SEA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with