Matagal nang pangarap ng mamamayan na madurog ang kriminalidad para maging ligtas sila sa anumang oras habang nasa kalye, nasa loob ng pampublikong sasakyan, malls, palengke at iba pang pampublikong establisimiyento. Pero lagi silang bigo sapagkat ang mga namumuno sa Philippine National Police (PNP) ay mahusay lamang sa pangako. Maraming ipinangako si dating PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. subalit karamihan sa mga ipinangako niya ay napako. Tumaas ang kriminalidad sa panahon ng panunungkulan niya. Lumaganap ang bentahan ng illegal na droga, naging talamak ang holdapan sa banko, jeepney, FX at buses. At mas nakadidismaya, kasangkot pa ang mga "bugok" na miyembro ng PNP sa maraming illegal na aktibidad. Maraming PO1s, PO2s ang nasangkot sa hulidap, pangongotong, pangsa-salvage at iba pa.
Wala na si Ebdane at humalili bilang PNP chief si Dir. Gen. Edgardo Aglipay. Marami ring pangako si Aglipay at isa riyan ang police visibility. Kailangang ikalat ang pulis sa maraming lugar para maprotektahan ang mamamayan. Una nang ipinakalat ni Aglipay sa mga palengke ang mga pulis noong Miyerkules. Okey ito. Sanay hindi ningas-kugon. Mas maganda kung pati sa mga pampasaherong jeepneys at buses ay magtalaga ng mga pulis para madakma o mapatay ang mga salot na holdaper. Kagaya ng ginawa ng isang pulis-Mandaluyong kamakailan na tatlong kilabot na holdaper ang kanyang napatay. Paglakarin ang mga pulis sa mga madidilim na lugar sapagkat iyan ang paborito ng mga holdaper, rapist, snatcher at mga addict.
Sanay tuluy-tuloy ang ningas, General Aglipay.