Hindi biro ang maging atleta at lalong mahirap ang mapasama sa Olympics. Kailangan ng matinding disiplina at determinasyon upang mahasa at mapagaling ang sarili. Hindi lamang linggo o buwan ang binubuo ng mga mahuhusay na manlalaro kundi taon ang bibilangin sa pagsasanay upang maging mahusay sa napiling larangan.
Sa ating 16 na Olympians, mabuhay kayo! Alam ko na ginawa ninyo ang makakaya at ibinuhos ang lahat upang mabigyan ng karangalan ang ating bansa. Alam kong sa mga nakaraang buwan o taon ng inyong paghahanda at pagsa-sanay para sa Olympics marami kayong ibinuhos na hirap at sakripisyo. Sa inyong pag-qualify lamang sa Olympics ay malaking tagumpay na ang inyong natamo hindi lamang para sa inyong mga sarili kundi sa ating bansa.
Higit sa medalyang ginto, dala ninyo ang paggalang at pagpugay ng sambayanang Pilipino. Ipagpatuloy ninyo ang nasimulan at makaka- asa kayo sa suporta ng bawat Pilipino.