Mga sentro ng katiwalian

NU’NG Abril 30 tinatag ni President Arroyo ang Presidential Commission on Values Formation. Tungkulin ng PCVF itanim ang mabubuting asal-katapatan, kasimplehan, kasipagan–sa gobyerno. Pangontra ito sa kultura ng katiwalian, palaasa, kamanhidan at pagpapaksiyon. Bubuuin ang PCVF ng chairman na may ranggong presidential adviser, at anim na miyembro. Sinusugan ni Mrs. Arroyo ang EO 314 nu’ng Hunyo 8. Sa bagong EO 317, siya mismo ang uupong chairwoman ng PCVF, at 10 na ang miyembrong hihirangin mula sa malilinis na pinuno ng mamamayan. Dagdag ang PCVF sa direktang pagkaso sa mga madumi, abusado, pabaya at tamad ng Ombudsman, Presidential Anti-Graft Commission at Transparency Group.

Usap-usapan sa Malacañang na pag-iinitan ni Mrs. Arroyo ang mga ahensiyang bantad na sa kasamaan: DepEd, DPWH, DOH, BIR, Customs, at Immigrations. Dapat lang. ‘Yan kasi ang tinaguriang Flagships of Corruption.

Pero may isa pang hanay ng mga ahensiya na madalas makalusot sa anti-graft campaigns ng iba’t ibang administrasyon. Ito ang regulatory agencies na palagi na lang kinokontrol ng mayayaman para maisulong ang sariling interes.

Halimbawa ng regulatory agencies ang Bureau of Food and Drugs, na hawak ng malalaking pharmaceutical firms kaya nagkalat ang mahal pero di-epektibong gamot. O Maritime Industry Authority na pumapayag sa monopolyo ng ilang shipping firms sa bawat pier. O Energy Regulatory Commission na palaging pabor sa dalawang malalaking electricity firms. At ang Fertilizer and Pesticides Authority na pabor sa iilang gumagawa ng abono. At Sugar Regulatory Commission na pabor sa iilang asendero.

Pansinin na ang bansag nila ay Authority o Commis-sion. Ibig sabihin, independent at may quasi-judicial powers tulad ng mga Korte. Pero tila pag Authority, may awtoridad na isulong ang interes ng iilan. Pag Commission, tila nabubuhay ang mga opisyal sa pangungumisyon.

Tandaan sana ni Mrs. Arroyo na Presidente ang humihirang sa kanila.

Show comments