Planuhin ang pinaka-maikling ruta. Makinig sa traffic updates. Iwasan ang malimit na pagpatay at start ng makina. Manatili sa steady speed hanggat maari. Sa highway, 80 kph lang; mas matipid ito nang 25% kaysa bumibirit nang 120 kph. Sa siyudad, i-anticipate ang stops sa kanto o red light. Mag-slow down, imbis na biglang preno na mas makonsumo. Kung sa tantiya mo ay matatrapik kat hindi aandar nang tatlong minuto, ipatay na muna ang makina. Kung air-con ang sasakyan at matulin ang takbo, isara ang bintana para walang drag. Pero huwag masyadong malamig ang thermostat; lakasan na lang ang fan.
Iwasan ang jack-rabbit start o biglang andar sa green light. Ang gradual acceleration ay makakadagdag ng isang kilometrong takbo kada litro. Huwag ibabad ang paa sa clutch. Miski konting apak lang habang tumatakbo ay nakakabawas ng power, aksaya sa gas, at nakakasira ng clutch. Iakyat agad sa high gear para bawas-konsumo. Iwasan ang di-kailangang karga; ang bigat ay umuubos ng power at nagpapahina ng makina, lalo na sa stop-and-go situations.
Sa pag-maintain ng sasakyan, magkarga palagi ng tamang tire pressure. Kung under-inflated, mas makonsumo. I-check ang radiator water level at cooland. Siguraduhing walang leaks ang hoses. I-check din palagi ang sikip ng fan belt at tubig-baterya. Linisin parati ang air at fuel filters. I-align at balance ang gulong, at ipa-tune up ang makina, para malinis ang condenser, contact points at karburador.
Kung bibili ng sasakyan, alamin ang fuel efficiency at laki o bigat. Nauso sa buong mundo ang SUVs, pero nagsisisi na pati mayayaman dahil malayo na ang anim na kilometrong takbo kada litro. Mauuso uli ang economy cars.