Napadpad si Resty at ang pamilya sa lugar na ito matapos na itaboy sa dating tinitirahan sa Daang Bakal, Sto. Niño, Marikina sa kadahilanang silay mga squatters. Sinabi sa kanilang itatayo raw dito ang Marikina Sports Center at isang hospital kung kayat napilitan silang lisanin ito at lumipat na nga sa kasalukuyang lugar nila kahit na walang tubig at kuryente.
Sa tulong ng bayaw ni Resty na si Leodegario Santiago na noon ay family driver ni Rizal Governor Isidro Rodriguez, napatituluhan ang lupang tinitirhan at sinasaka ni Resty na tinatawag na anak lupa. Ang sakop na lupa ay may sukat na 9,759 metro kuwadrado na nababanggit sa titulo na may bilang na TCT No. 281895 ng Register of Deeds ng Rizal at may petsang Marso 24, 1970 at may lagda ni Atty. Jose D. Santos.
Nagsimula ang kalbaryo ni Resty noong 1995 nang sabihin sa kanya ni Assessor Sonny Ramos na peke diumano ang kanyang mga dokumento kung kayat dapat na kalimutan na nito ang tungkol sa lupa nang hindi siya mapahamak. Napag-alaman din ni Resty na ang titulo niya sa kanyang lupa ay ilang ulit na inilipat sa ibat ibang pangalan na may magkakaibang sukat at naiutang ito sa ibat ibang pagkakataon ng milyun-milyong halaga. May mga dokumentong nagpapatunay nito.
Nagkaroon lamang ng pag-asa si Resty nang samahan siya ni Ka Manny Manalo, isang respetadong miyembro ng INC at ni Atty. Ramon Posadas at idinulog ang kaso kay Justice Sec. Merceditas Gutierrez at sa NBI. Subalit, wala pa ring anumang nangyayari sa kasong ito hanggang sa namatay na si Resty. Kumpleto ang mga papeles ni Resty na aktibong mga kasapi ng Iglesia ni Cristo. Hihintayin pa ba nilang ang kumilos ay Malacañang at mabusisi pa ang mga misteryong kapalpakan ng mga kinauukulan. Dapat lamang na maituwid na ang kalunus-lunos na ginawa nila sa kaawa-awang si Resty.