"Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa iglesya. At kung hindi pa siya makinig sa iglesya, ituring mo siyang Hentil o isang publikano."
Dito, ang Simbahan ay binigyan ng tungkulin na iharap ang bawat konsensiya sa Diyos. At ang Simbahan ay nagmumula sa bawat indibidwal. Kapag ang isang Kristiyano ay nakakita na ang isang kapatid ay nagkamali, dapat niyang pagsabihan ito. Kapag mapagpakumbabang inako o tinanggap ng nagkamali ang kanyang pagkakasala, napanumbalik ng tao ang nagkamali sa Diyos.
Subalit kapag hindi nakinig ang taong nagkamali, kailangang kumuha ang nakakita ng pagkakamali ng isa pang testigo. Kung hindi pa rin makinig ang taong nagkamali, ang lokal na komunidad na ang gagawa ng kapasyahan. Ang nagkamali ay mapapagbagong-loob kapag siya ay nakinig. At kung siya namay patuloy na gagawa ng kalokohan at di-makikinig, siya ay matatanggal sa komunidad.
Ang komunidad ay patuloy namang umaasa sapagkat kapag ipinanalangin nila ang nagkasala, ginagarantiyahan ni Jesus na siya ay nasa sa gitna nila.
Ang prosesong aming tinukoy ay ginawa noong unang panahon ng mga naunang Kristiyano sa Simbahan. Subalit hindi na ito ginagawa ngayon.