Dahil sa pangangailangan sa pabahay ng mga OFWs at ang kanilang pamilya, ang ilang mga bangko ay naglaan ng housing loan para sa kanila. Isa dito ang Bank of the Philippine Islands (BPI) na may programang sadyang para sa mga OFWs. Sa katunayan, naglaan ito ng humigit-kumulang ng P100 milyon para sa housing loan ng mga OFWs.
Patuloy pa rin ang Pag-IBIG Overseas Program (POP) sa pagpapautang sa mga OFWs at sa kanilang mga pamilya upang sila ay makabili o makapagpatayo ng bahay at lupa. Sa ilalim ng POP, ang isang OFW na miyembro na may 12 buwanang kontribusyon ay maaaring umutang hanggang P2 milyon. Mula Enero hanggang Hunyo ng taon ay may 363 POP housing loan applications na nagkakahalaga ng P268.4 milyon na ang naaprubahan. Ito ay mas malaki sa kabuuang POP housing loan na naaprubahan noong nakaraang taon na may P219.8 milyon lamang sa may 323 umutang. Maging ang SSS din ay may sariling programa para sa low-cost at socialized housing para sa mga OFWs.
Batid po ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga OFWs sa pabahay kaya lalong pinapalakas ang Pag-IBIG POP at ang pakikipagtulungan sa mga pribadong developers upang mas marami sa ating mga kababayang OFWs ang makakapagpundar ng sariling tahanan.