Isa sa unang pinalitan na humawak sa kanyang kampanya ay si Jackie Maniquis, isang kilalang PR person na maraming hawak na malalaking accounts at kilala naman na nakakapag-produce ng resulta.
Bago pa pala kay Jackie ay maraming ibang mga kilalang political at pr strategist ang nasabing kinuha rin ni Jamby pero hindi na natin maalala ang iba at maikli lang ang panahon na nanungkulan sa kanya. Lahat rin sila ay hindi nagtagal.
Pagkatapos ni Jackie ay si Peter Sing naman, isang dating editor at kilalang malawak ang network sa mga taga-media. Kaibigan ng lahat at walang masamang tinapay. Medyo matagal si Peter sa kanya at dahil din diyan nakilala ko si Sen. Jamby at ang kanyang esposo na si Eric.
Sinundan si Peter ni Manong Greg Cendaña, ang matagal na information minister ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos. Maituturing na magaling na information minister, masipag at higit sa lahat malapit sa mga taga-media dahil never lumaki ang ulo kahit na umabot sa ganoong posisyon. Manong Greg nga siya sa lahat at fatherly image sa karamihan sa mga mamamahayag.
Nawala rin si Manong Greg at palit naman ang kumpare kong si Ricky Alegre. Dating mamamahayag din at mainipin din kaya gusto resulta ang bawat trabaho. Siya ang nagpapatakbo ng kampanya ni Senadora Jamby hanggang sa manalo siya, pero gaya ng iba, pagkaraan ng ilang panahon, tanggal din. Siya nga lang ay tinanggal ilang araw matapos ang halalan, exactly two days after proclamation dahil obviously hindi na kailangan.
Eto namang si Atty. Christie Agcaoili ay kinuha pagkapanalo at ginawang Chief of Staff pero pagkaraan ng ilang linggo ay tinanggal din. Si Christie ay kaibigan pa naman ng matandang kapatid ni Senadora Jamby pero sibak din.
Lubos akong nagtataka bakit ang dali ng turn over ng tao niya. Iniisip ko kung mahirap ba siya makasundo kasi sa bilang na bilang na pagkakataon na nakaharap ko siya ay wala naman akong nakitang diperensya at mukhang mabait naman. Ayaw ko kasing maniwala sa kuwento ng isang babaing kongresista na si Senadora Jamby ay plastic daw.
Nagtanung-tanong ako pero lalo akong namangha kamakailan dahil pilit niyang pinakukulong si Peter at may utang daw sa kanya at milyung-milyong piso raw ang tinakbong pera.
Kaya pinursige ko ang pagtatanong at iisa ang bintang sa kanila: Peter, Ricky, Jackie, Manong Greg at pati na rito kay Atty. Christie, lahat daw sila ang kumita nang malaking halagang aabot sa milyon o di kayay nagkakainteres kumita pati na sa pork barrel ni Senadora Jamby na aabot sa P200 million kada taon.
Kilala ko lahat sila maliban kay Atty. Christie. Mga taong simple ang pamumuhay at imposibleng mga kumita ng milyung-milyong piso. Si Peter nga na nakatira diyan sa Mandaluyong kung saan pinasyalan ng mga armadong mga lalaki noong nakaraang Biyernes upang takutin ay imposibleng may milyun-milyong piso.
Milyong kaibigan malamang, pero milyong piso, he-he-he, kilala ho sa media industry si Pedro at matino ho yan. Ganoon din si Jackie at lalo na si Manong Greg na walang pagbabago at laging humble. Si Ricky naman, middle class family po ang pinanggalingan niya. Maaaring may ibang kasalanan yan at kaming dalawa na lang ang nagkakaalaman, kumusta sayo Mareng Cathy, pero ang magnakaw ng ganyang salapi, malabo. Kababata ko yan at kilala ko.
Kaya ano ba talaga ang problema Senadora Jamby. Bakit di mo alamin sa iyong asawang si Eric Valad. Hindi kaya siya ang problema. Totoo bang nakikialam siya sa lahat at kahit noong pumasok sa senado ay pork barrel at kontrata ang agad inaalam?
Tsaka Señorita Madam Senadora Jamby, totoo ba na illegal alien ang asawa mo at muntik pang ipa-deport ng Bureau of Immigration bago kayo ikasal.
Bilang Senador ng Republika ng Pilipinas karapat-dapat na masagot niya ang katotohanan tungkol sa mga bintang laban kay Eric lalo na itong tungkol sa papeles niya sa Immigration bago siya ikasal.
Dahil din sa transparency, dapat ding ilabas ni Senadora Jamby ang katotohanan kung totoo bang may dugong bughaw si Eric at may ninunong Konde. Marami kasi ang balitang hindi totoo ito. Kung hindi nga siya Konde, bakit niya pinalabas yun, niloloko ba niya tayo?
Dapat ding ipakita ang bio data ni Eric na bagamat isang private citizen ay asawa na ng senadora. Kalat na kalat kasi ang balitang tinatago ni Eric ang kanyang nakaraan gaya ng pagiging pulis patola raw nito sa isang maliit na bayan sa France at hindi sa Paris. Dapat malaman ng sambayanan kasi ang sunod ay katanungang kung totoo bang sinibak siya sa pagka-pulis at bakit?
Senadora na ho kayo ngayon kaya once and for all dapat malaman ng sambayanan ang katotohanan. Hindi na ho ubrang right of privacy at ang dapat manaig ay transparency.
Kayo mga kaibigan, ano sa palagay nyo, sino ang may diperensiya? Text lang sa 09272654341 o e-mail sa nixonkua@yahoo.com