Nang makarating si Carol sa tulay, nabigla siya nang unahan siya sa paglalakad ni Cio. Tumigil sa paglalakad si Carol at hiniling niya kay Cio na umuna na itong dumaan sa tulay, subalit hindi kumibo si Cio. Kaya, umuna na si Carol subalit wala pang tatlong hakbang ay agad siyang niyakap sa likod ni Cio at tinutukan ng kutsilyo sa leeg at tinakot na papatayin siya. Pagkatapos nito ay kinaladkad siya ni Cio sa ilalim ng tulay at doon ay ginahasa. Subalit hindi nakahingi ng tulong si Carol dahil nakatutok sa kanyang leeg ang kutsilyo.
Nang matapos si Cio ay tinanong ni Carol ang kanyang pangalan. Sinabi ni Cio na siya ay si "Pabling Simpatico". Nang makauwi si Carol ay agad itong nagsumbong sa kanyang lola na kaagad na nagpunta sa tindahan. Doon nila nalaman sa tindera na si Cio lamang ang nasa tindahan ng mga oras na yun nang bumili ng tuyo si Carol. Ilang saglit pa ay nagsumbong sila sa Sitio Chairman kung saan pinatawag nito si Cio.
Nagsampa ng kasong rape si Carol laban kay Cio nang mapatunayan na siya ay hinalay ayon na rin sa pagsusuri ng isang doktor. Sa paglilitis ng kaso ay isinalaysay ni Carol ang ginawa sa kanya ni Cio. Subalit itinanggi ito ni Florencio. Iginiit niyang nasa niyugan siya sa kabilang barangay na may pito kilometro ang layo nang mga oras na yun.
Subalit hindi pinaniwalaan ng korte ang alibi ni Cio kaya nahatulan ito ng kamatayan. Sa automatic review ng Korte Suprema, iginiit ni Cio na nagkamali ng pagtukoy ng walang duda sa kanyang katauhan ang Sitio Chairman at si Carol dahil hindi raw siya ang gumahasa kundi si Pabling Simpatico. Tama ba si Cio?
MALI. Hindi inaasahan ng Korte na makaligtaan ng biktima ang pangalan ng humalay sa kanya. Kahit si Carol at ang kanyang lola ay nagduda sa pangalang ibinigay ni Cio kaya nga ito bumalik ng tindahan upang matunton ang suspek. Samantala, naging mabilis ang pagpapatawag ng Sitio Chairman kay Florencio dahil kilala ito sa bansag na Cio, ang pangalang ibinigay ng tindera. Kaya, walang dudang nagkasala si Cio subalit ibinaba ang kanyang parusa sa reclusion perpetua dahil walang aggravating circumstance (People vs Avergonzado G.R. 127152, February 12, 2003 397 SCRA 295)