Huwag na huwag magbaon ng pirated CDs, VCDs at DVDs. Kasi kung i-inspect ang bagahe niyo ng US Customs at may makitang pirated discs, huhulihin kayo at ide-deport. Kakanselahin ang visa niyo, at iba-blacklist kayo para hindi makapag-trabaho sa America. Kamakailan may ni-random check na bag ng isang Pinoy na lumapag sa Detroit. Nakitaan ang bag ng 70-80 CDs, 10-20 DVDs, at 30-40 empty jackets ng DVD. Isinakay siya sa unang biyaheng pa-Maynila. Meron ding nahulihan ng tatlong DVD sa Los Angeles. Pasalubong lang daw sa mga kamag-anak. Pina-uwi rin. Mahigpit kasi ang Intellectual Property Law sa America. Ayaw nila ng pirated dahil nalulugi ang musicians at record companies, film stars at producers. Miski isang pirasong disc lang, sabit ka na.
Kung nurse kayo na kukuha ng NCLEX o CGFNS qualifying exams sa America o mga teritoryo nito sa Pacific, iwanan din ang pirated books na reviewers. Kinausap na ng American Association of Publishers ang US Customs at Dept. of Homeland Security na dakpin ang mga may dala ng pirated books. Baka makompromiso ang naghihintay sa inyong trabaho sa ospital bilang nurse.
Paalalahanan nyo rin ang mga pauwing balikbayan na huwag mag-dala ng pirated discs. Kung US citizens sila, mumultahan ng malaking halaga. Kung immigrant, baka bawiin ang green card. Walang puwedeng lumusot.
Sanay na sanay tayo sa pirated sa Pilipinas. Ang dali kasing bumili sa malls at bangketa. Miski labag ito sa batas, mayat maya ang raid sa nagtitinda, at pati bumibili ay hinuhuli, patuloy pa rin ang pagtangkilik natin sa fake discs at pirated books. Katuwiran natin, mas murang hamak kaysa original-miski may talon ang disc or blankong pahina ang libro. Pero iniipit natin ang paborito nating artists, stars at authors.