Make or break ng bayan,nasa mga taong pipiliin ni GMA

Ayan na. Unti-unti na nating makikita kung papaanong babalasahin, papaikut-ikutin ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang Gabinete. Ito ang matagal nang pinakahihintay ng taumbayan sa pagsisimula ng kanyang panibagong pag-upo ngayon bilang halal na pangulo ng bansa. Halos tatlong taong nagsilbi si GMA bilang pinuno ng ating bansa sa grasya ng Diyos nang dahil sa nadisgrasya nga si Erap Estrada na hanggang sa kasalukuyan ay nakakulong pa rin sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.

Marami ang nagsasabi na hindi na ngayon nakatali ang mga kamay ng presidente sa kanyang mga desisyon lalo na sa mga appointment ng kanyang Cabinet members at ng mga opisyal sa iba’t ibang matataas na posisyon sa pamahalaan. May mga usap-usapan din na naririnig na hindi pa rin daw maiaalis kay GMA ang bahid ng pulitika sa pagpili ng mga iluluklok niya sa mga iba’t ibang puwesto sa gobyerno sapagkat marami pa rin siya ngayong pinagkakautangan ng loob kahit na ano pa ang sabihin.

Kaya nga ba wala nang ginawa ang taumbayan ngayon kundi ang pagtuunan ng pansin kung sino ang mga itinatalaga o nababalitang itatalaga ng presidente at kung ano ang konsiderasyon sa pagtatalagang ito. Nakarating sa pandinig namin na kani-kanya na ang lakaran at naglipana ngayon ang mga humahanap ng mga padrino upang ma-appoint sa mga puwesto na marami ang mababakante.

Tingnan natin halimbawa ang naging reaksyon sa appointment ni Anti-Kidnapping Czar at dating Defense Secretary Angelo Reyes bilang kapalit ni DILG Sec. Joey Lina. Hindi naging maganda ang pagtanggap ng marami sa pagtatalagang ito ng presidente kay Reyes. Ganito rin ang feedback hinggil sa lumalabas na pang-aagaw ni Vice-President Noli de Castro sa posisyon ni DSWD Sec. Dinky Soliman. Puno rin ng kontrobersiya ang re-appointment nina Comelec Commissioners Manuel Barcelona at Virgilio Garcillano.

Aba, eh, kailangan sigurong dumaan sa masusing pag-aaral ang lahat ng pipiliin ni President Arroyo. Hindi dapat pag-alinlanganan ng taumbayan ang pagkatao, kapasidad at tunay na hangarin sa paglilingkod ng lahat ng mga iluluklok ng presidente sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Ang mga taong ito ang magiging salamin ng pamahalaang Arroyo sa mga susunod na panahon. Sila rin ang tatayong batayan ng tagumpay at pagbagsak ng ating bansa. Kaya, Madam President: Careful, careful!

Show comments